Solar installer arestado sa baril, bala at droga
MATAGUMPAY na naihain ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) ang dalawang search warrant laban sa isang personalidad sa Nueva Ecija, sa isang pre-dawn operation dakong 5:30 am kahapon, 3 Oktubre 2024.
Ayon kay P/Colonel Ferdinand D. Germino, acting provincial director ng NEPPO, ikinasa ng mga elemento ng Gapan City Police Station ang search warrant laban sa suspek na si alyas Odo, isang 39-anyos solar installer mula sa Barangay San Vicente, Gapan City.
Nakompiska sa suspek ang limang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng 13.34 gramo ng hinihinalang shabu, nagkakahalaga ng P90,712; isang lighter; isang pakete ng aluminum foil; isang timbangan; isang itim na supot; isang itim na sling bag; isang homemade caliber .38 revolver; siyam na basyo ng bala para sa kalibre .38; at isang black belt bag na may tatak na Supreme.
Nakakulong na ang suspek at mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (MICKA BAUTISTA)
