MATABIL
ni John Fontanilla
MATURED at daring na Julia Barretto ang mapapanood sa Expensive Candy na hatid ng Viva Films at sa mahusay na direksiyon ni Jason Paul Laxamana.
Malayong-malayo ito sa mga nakasanayan na nating role na ginagampanan ni Julia sa mga pelikulang nagawa niya.
Sa Expensive Candy ay oozing with sexiness at nagpaka-daring talaga si Julia, bukod sa napakahusay nitong pagganap bilang Candy at hindi nagpahuli sa galing umarte sa award winning actor na si Carlo Aquino na ginampanan naman ang role ni Toto Camaya.
Maganda ang istorya ng movie, kapupulutan ng aral at napakahusay ng pagkakadirehe ni Laxamana. Pinalakpakan at binati si Direk JP sa galing ng pagkakagawa niya sa Expensive Candy. Bukod pa sa talagang dinumog ang red carpet premiere night nito noong Lunes na isinagawa sa SM Cinema The Block. Pagkatapos na pagkatapos ng pelikula hiyawan at palakpakan ang namutawi sa loob ng sinehan kaya hindi napigilan ni Direk JP ang maluha.
Sa pelikulang ito tiyak maraming kalalakihan ang magpapantasya kay Julia kapag napanood at puwede na siyang tawaging makabagong Pantasya ng Bayan.
Mapapanood ang Expensive Candy sa Sept. 14 in cinemas nationwide at ito ang kauna-unahang pagkakataong nagkasama sa pelikula sina Julia at Carlo.