Friday , May 27 2022
Leni Robredo

Sa pinakahuling Truth Watch/Mobilis survey
ROBREDO UMARANGKADA PA

ILANG araw bago ang May 9 elections, isang grupo ng mga batikang professor ang kamakailan ay nagbanggit na sa kanilang survey, mas marami ang pumipili kay Vice President Leni Robredo para maging susunod na Pangulo ng bansa.

Si Robredo ay nakakuha ng 32 percent at ang anak ng diktador na si Ferdinand Marcos, Jr., ay may 55 percent, ayon kay Dante Velasco, professor ng komunikasyon sa University of the Philippines (UP), sa kanyang panayam sa SRO nina Alvin Elchico at Doris Bigornia noong Martes, 3 Mayo.

Ang survey ay ginawa noong 22-30 Abril 2022 ng Truth Watch Philippines, Inc., pinamumunuan ni Velasco. Kasama ng Truth Watch ang Mobile Integrated Survey Research (Mobilis Research) sa paggawa ng survey.

Nagulat ang marami sa inilabas ng Pulse Asia survey na nasa 23 percent lang si Robredo samantala 56 percent pa rin si Marcos. Ginawa ito mula 14-21 Abril 2022.

Pero naniniwala si Velasco, hindi naman tiyak at nagpapakita ng reyalidad ang Pulse Asia survey.

Sa katunayan, para kay Velasco, patas ang laban nina Robredo at Marcos.

Sabi ni Velasco, sa kabuuan, 2,400 katao ang natanong sa Truth Watch/Mobilis survey. Ipinaliwanag niya, imbes nagbahay-bahay ang grupo nila, ginawa nila ang survey sa karaniwang pinupuntahan ng mga tao, tulad ng estasyon ng LRT.

Aniya, nagpunta ang survey team sa estasyon sa Antipolo kung saan tinanong nila ang 300 pasahero.

“Si Leni, 44%, si BBM, 46% out of 300 respondents,” sabi ni Velasco.

Paliwanag niya, ibig sabihin nito ay “statistical tie” or magkatumbas na lang sina Robredo at Marcos.

Para kay Velasco, lumang estilo ng pagsu-survey ang pagkatok sa mga bahay para magtanong ng kanilang opinyon sa politika, tulad ng kung sino ang pipiliin nila na susunod na Pangulo ng bansa. Maaaring magbahay-bahay kung ang tanong ay ano ang gustong sabon o gamit sa bahay, aniya.

Sa parehong panayam sa SRO, sinabi ni political analyst Dindo Manhit, ang laban ngayon sa pagka-Pangulo ay sa pagitan na lang nina Robredo at Marcos dahil masyadong malayo ang ibang mga kandidato sa survey.

“‘Yun na lang ang ating dapat pagtuunan ng pansin,” ani Manhit.

Patuloy ang laban ni Robredo, sabi ng kanyang tagapagsalita na si Barry Gutierrez.

Sa panayam kay Karen Davila noong Miyerkoles, 4 Mayo 2022, sinabi ni Gutierrez, hindi naiisip ninoman sa kampo ni Robredo na siya ay matatalo.

Sa katunayan, ayon kay Gutierrez, naghahanda ang lahat para sa isang malaking miting de avance ni Robredo na gaganapin sa Ayala Avenue sa Makati City sa 7 Mayo, kasunod ng  miting de avance niya sa Naga City sa 6 Mayo.

Inaasahang ang rally sa Makati ang magiging pinakamalaki sa lahat ng naging people’s rally para kay Robredo, sabi ni Gutierrez.

Dagdag niya, sa huling mga araw ng kampanya, lalo pang nagsisipag si Robredo sa pag-iikot sa mga probinsiya.

Nanggaling si Robredo sa Kalinga, Abra, at Baguio nitong Lunes, nagpunta sa Antique, Aklan, Iloilo, at Negros Occidental noong Martes, nasa Lanao del Norte at sa Dipolog City sa Zamboanga del Norte noong Miyerkoles, nagtungo sa Misamis Occidental, Cagayan de Oro City, at Agusan del Sur ng Huwebes, bago tumulak ng Bicol – sa Sorsogon, Albay, at Naga – sa Biyernes.

Sabi ni Gutierrez, hihimukin pa rin ni Robredo ang lahat ng kanyang volunteers at supporters na patuloy na makipag-usap, mag-house-to-house campaign, at mangumbinsi na bumoto nang tama para sa magandang kinabukasan ng bayan. (HNT)

About hataw tabloid

Check Also

Sa Cabanatuan, Nueva Ecija
KILABOT NA KAWATAN, SWAK SA SELDA

Sa pagpapatuloy ng kampanya laban sa mga kriminal na pinaghahanap ng batas, nadakip ng mga …

“Sambigkis Laban sa Kriminilidad” inilunsad sa Laguna

“Sambigkis Laban sa Kriminilidad” inilunsad sa Laguna

Pomal na inilunsad nitong Martes nga hapon, 24 Mayo, ang Sambigkis Advocacy Support Group kasabay …

Bongbong Marcos Sara Duterte Proclamation

Marcos – Duterte tandem iprinoklama na NBoC sa Kamara

ni Gerry Baldo Iprinoklama ng National Board of Canvassers ngayong hapon ang tandem nila Bong …

7 illegal E-sabong, naipasara na — DILG

Naipasara na ang pitong e-sabong websites na ilegal na nag-o-operate, matapos ipag-utos ni Department of …

Jomari Yllana, Abby Viduya, Priscilla Almeda

Abby masaya sa pagwawagi ni Jomari

MATABILni John Fontanilla MASAYANG-MASAYA si Abby Viduya sa pagkapanalo ni Jomari Yllana bilang councilor ng District 1 ng  Parañaque. …