Sunday , May 29 2022
Ping Lacson OFW Seaman

OFW, seamen protektado sa Ping presidency

SINISIGURO ni presidential candidate Panfilo “Ping” Lacson, maayos na ipatutupad ang mga batas na nilikha para maprotektahan ang overseas Filipino workers (OFWs) sa ilalim ng kanyang panunungkulan dahil sa kanyang mahigpit na pagbabantay sa katiwalian at pang-aabuso.

Kabilang rito ang implementasyon ng Batas Republika 11641 o ang Department of Migrant Workers Act na nakapaloob ang pamamahagi ng Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFW na Nangangailangan (AKSYON) fund bilang tulong legal, medikal, pinansiyal para sa mga kababayan nating nagtatrabaho sa ibang bansa, kabilang ang mga mandaragat.

“So, ‘yung insurance, ‘yung SSS, tapos ‘yung reintegration program. Pagbalik nila rito sa Filipinas, meron silang inaasahan na ma-reintegrate sila sa ating labor sector dito,” ani Lacson sa kanyang pagbisita sa munisipalidad ng Estancia sa lalawigan ng Iloilo.

Nitong Martes (19 Abril), itinuloy ni Lacson ang pagsasagawa ng town hall meeting sa nasabing bayan kasama ng mga kinatawan ng iba’t ibang sektor at residente sa Iloilo na nais mapakinggan ang kanyang alok na programa sa gobyerno bilang pangulo.

Dito naitanong kay Lacson ng isang magulang kung ano ang malinaw niyang plano para sa mga katulad ng kanyang anak na isang OFW na nakakaranas din ng hirap sa pagpoproseso ng kanilang mga kinakailangang dokumento para sa trabaho.

Ayon kay Lacson, dahil sa batas na lumikha sa bagong kagawaran ay magkakaroon ng pagbabago sa ganitong kalakaran. Nakasaad dito na magiging magkasama ang mga ahensiya para sa mga OFW na dati ay nasa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE).

“Kasi magulo pa no’n, hiwa-hiwalay. Ngayon, pinag-integrate under one department… Alam na ninyo kung saan kayo pupunta ngayon dahil sila magkakaroon sila ng egional offices, provincial offices – mas accessible na,” ani Lacson.

“So, hindi na mangyayari ‘yung pinagtuturu-turuan pati ‘yung inaabuso ‘yung ating mga OFW maa-attend-an doon sa Department of Migrant Workers na ipinasa ng Kongreso,” dagdag ng presidential candidate.

Sa ngayon ay pinaplantsa na lang umano ang implementing rules and regulations (IRR) ng nasabing batas upang maipatupad na ito. Batay sa ulat ng Philippine News Agency (PNA) nitong Enero, nakatakdang magsimula ang operasyon ng nasabing departamento sa 2023.

Bubuin ito ng mga opisyal at tauhan mula sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA); Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs ng Department of Foreign Affairs (DFA); Philippine Overseas Labor Office (POLO), National Reintegration Center for OFWs, National Maritime Polytechnic (NMP) na pawang nasa ilalim ng DOLE; at Office of National Social Welfare Attaché (OSWA) mula naman sa Department of Social Welfare and Development.

Para kay Lacson, kung maayos na maipatutupad ang nasabing batas ay mabibigyan ng pagpipilian ang mga OFW na huwag nang mangibang-bansa para magkaroon ng hanapbuhay o kaya naman ay magkakaroon sila ng dagdag na abilidad upang mas maging mahusay sa kanilang napiling mga propesyon. (NIÑO ACLAN)

About Niño Aclan

Check Also

Gun Fire

Helper malubha sa pamamaril

KRITIKAL ang kalagayan sa pagamutan ng isang 21-anyos na helper matapos barilin ng isa sa …

arrest prison

Mangingisdang wanted, nalambat

HIMAS-REHAS ang isang mangingisda na wanted matapos masakote ng mga awtoridad sa isinagawang manhunt operation …

dead gun

2 retiradong parak nagduwelo 1 patay, binatilyo sugatan

Napatay ang isang retiradong pulis ng kanyang kapitbahay habang sugatan ang isang 15-anyos na binatilyo …

dead gun police

Sa Ilagan, Isabela
ASAWA NG HUKOM TINAMBANGAN NG RIDING-IN-TANDEM, PATAY

Binawian ng buhay ang asawa ng isang hukom ng Regional Trial Court sa bayan ng …

CoVid-19 vaccine

Huling COVID patient sa Bulacan nakauwi na

Matapos ang dalawang taon na paggamot at pag-aalaga sa mga pasyenteng may COVID-19, nakalabas na …