Sunday , May 29 2022
FIRING LINE ni Robert B. Roque, Jr.
FIRING LINE ni Robert B. Roque, Jr.

May pakana ng gulo

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

GABI ng Marso 12, 2022 nang nabalita na isang Chinese national ang namaril, na ikinasawi ng isang security guard habang dalawang iba pa ang nasugatan sa Mulberry Place condominium sa Acacia Estates sa Barangay Bambang, Taguig City.

Kinilala ni Brigadier General Jimili Macaraeg, Southern Police District director, ang suspek na si Tan Xing, 22, residente sa isang condominium sa Pasay City. Kaagad nag-utos ng manhunt si NCRPO Director Major Gen. Felipe Natividad dahil hindi lamang basta pinagbabaril at napatay ni Tan ang tatlong tao, kundi tinangay din ang isang gray na Honda City (DR-2911) na ginamit sa pagtakas.

Sa malas, walang bagong report mula sa Philippine National Police (PNP) simula noong Marso 14. Hindi natunton ang kotseng Honda; walang update kung anong klase ang baril na ginamit sa krimen o kung paanong nagkaroon ng armas na iyon si Tan; at walang suspek na inaresto.

Sobrang nakadedesmaya na mistulang umasa na lang ang pulisya sa posibilidad na – marahil o baka sakali – mayroong nakakilala sa suspek at nagkataong nakakita sa kanya o namataan ang tinangay niyang sasakyan ‘tsaka makikipag-ugnayan sa Taguig City Police sa contact number 8642-2062.

Kung ganito ang siste, ang imbestigasyon ay walang ipinagkaiba sa pagkamatay ng kaawa-awang biktimang si SG Joel Pacana ng Alcatraz Security Agency o ang kawalan ngayon ng kakayahan ng dalawa pang guwardiya – sina Noriel Pojas at Hermoso Cordero – na mabuti na lamang at nakaligtas matapos masugatan sa mga tama ng bala.

At tunay na kaawa-awa ito, dahil paanong mabablanko ang imbestigasyon ng SPD gayong may record na ang suspek na si Tan – na napaulat na Tan Zhenan ang isa pang gamit na pangalan at dati nang naaresto at nakulong sa Parañaque City noong Enero? Sa katunayan, ilang araw pa lang siyang nakalalaya nang mamaril siya sa Mulberry Place at may mug shot niya ang SPD.

Dapat ay nakita ni PNP Chief Gen. Dionardo Carlos na may malalaking katanungang dapat sagutin ang kanyang mga tauhan, gaya ng: Totoo bang may mga ilegal na drogang natagpuan sa condo unit sa Mulberry Place na binisita ni Tan? Iyon ba ang pinag-ugatan ng komosyon na kinasangkutan niya at ng tatlo pang lalaking kapwa niya Chinese na mga kapitbahay niya?

Ang Chinese mainlander na ito ay armado at delikado – isang mamamatay-tao sa paningin ng maraming nakapanood sa CCTV footage ng pag-atake niya sa tatlong security guards na Filipino. Pupuwede ba nating ipalagay, sa pamamagitan ng kuropsiyon o iba pang paraan, ang mga dayuhang tulad niya ay nakalulusot sa PNP sa pagkakaroon ng license to own and possess a firearm (LTOPF) kahit pa malinaw na ilegal ito?

Labis na ngang nakagagalit ang mga kuwento-kuwento na ang mga Chinese nationals daw na ito – karamihan sa kanila ay POGO investors – ay malayang nakagagala sa Metro Manila na may kasamang police escorts na binabayaran daw ng P1,500 hanggang P3,000 kada araw, depende sa ranggo ng opisyal? Isa ba itong kuwentong barbero, isang mahabang kuwento, o isang matagal nang katotohanan na nagpapababa sa pagkatao ng mga nasa PNP?

Bakit ang tagal naman yatang masagot ang mga katanungang ito, Gen. Carlos? An’yare ba talaga?

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

PROMDI ni Fernan AngelesI

Murang kuryente, langis possible kahit hindi ibasura tax measures

PROMDIni Fernan Angeles KUNG gusto may paraan. Ito ang diin ni Energy Undersecretary Benito Ranque …

Krystall Herbal FGO Fely Guy Ong

Stiff neck tanggal agad sa machine therapy at Krystall products

Dear Sis Fely, Magandang araw po sa inyo Sis Soly Guy Lee at Sis Fely …

AKSYON AGAD ni Almar Danguilan

Leadership ni QC Jail Warden Supt. Bonto, sinasabotahe

AKSYON AGADni Almar Danguilan Malalamang na desperado-desperado ngayon ang “mastermind” sa layuning mapalitan si Quezon …

PROMDI ni Fernan AngelesI

Ambisyong maging DOE Secretary ni Devanadera, napurnada pa yata

PROMDIni Fernan Angeles SA GITNA NG KRISIS sa enerhiya, higit na angkop para sa Department …

USAPING BAYAN ni Nelson Flores

Tambak na wiped out pa

USAPING BAYANRev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD. TAPOS na ang halalan pero hanggang ngayon ay …