Monday , December 6 2021
Emeng Pascual, Ombudsman, Money

Mayor Emeng ng Gapan, kinasuhan ng P170-M graft sa Ombudsman

SINAMPAHAN ng kasong paglabag sa Anti-graft and Corrupt Practices Act (RA3019) ang alkalde ng Gapan, Nueva Ecija kasama ng apat pang opisyal ng lungsod kaugnay ng mahigit P170 milyong pondo na hindi maipaliwanag kung saan nagamit.

Sa 11-pahinang demanda na iniharap sa Office of the Ombudsman nitong 22 Oktubre 2021, tinukoy ng complainant na si Reynaldo Linsangan Alvarez, residente ng San Vicente, Gapan City, ang mga kinasuhan na sina Mayor Emerson “Emeng” Pascual, City Disbursing Officer Mauricio Ongjoco, acting City Social Welfare Chief, Simeon Villareal, former City Treasurer Bienvenido Molas, Jr., at Local Revenue Collecting Officer Adrian Ongjoco.

Ayon kay Alvarez, lumitaw sa record ng Commission on Audit (COA) na hindi nagsumite ng anumang dokumento si Mayor Pascual at mga kapwa niya kinasuhan kung saan nila ginamit ang P5,493,916 cash advance mula Setyembre 2018 hanggang Enero 2020 na umano’y nagastos para sa street lights, training and travelling expenses, conference meals at cash prices.

Sa kaparehong taon, mula Enero, Marso, Abril at Setyembre, nag-cash advance na naman umano si Mayor Pascual, et al, ng P42,114,000 para umano pambayad sa Cultura Presentation, CoVid-19 response, financial assistance, at sa speakers sa Kabataan kontra Droga at Terorismo.

Noong Oktubre-Nobyembre 2020, mayroon din umanong cash advance na P79,475.00 para sa cash assistance.

Petsang 16-29 Disyembre 2020, sina Mayor Pascual, City Medical officer ng Gapan na si Ma. Carina Arceli Bautista, at Adrian Ongjoco ay nag-cash advance na naman ng P12,723,850 para umano sa financial assistance at pension ng senior citizens sa lungsod.

Pinagpapaliwanag din ng complainant si Mayor Pascual kung paano ang naging paraan ng pamamahagi ng P39,169,000 Social Amelioration Program, P71,244,000  local disasters and management funds.

Batay sa COA Circular 47-002 na inilabas noong Pebrero 1997, ang mga cash advances ay dapat ginagawan ng liquidation report at isinusumite sa kanilang tanggapan kalakip ng mga resibo ng hindi bababa sa lima hanggang 60 araw.

Tahasang sinabi ng complainant, ang hindi pagsusumite ni Mayor Pascual at ng iba pang opisyal ng lungsod ay paglabag na sa batas kaya dapat umano silang mapatawan ng kasong kriminal at administratibo.

Kaugnay nito, hiniling din ng complainant sa Ombudsman na masuspendi si Mayor Pascual habang iniimbestigahan ang kaso upang hindi maimpluwensiyahan ang mga opisinang posibleng pagmulan ng mga ebidensiya laban dito. (HNT)

About hataw tabloid

Check Also

Sa Pasig
3 GINANG, 1 PA TIKLO SA DROGA

KALABOSO ang tatlong ginang at isang lalaki nang bentahan ng ilegal na droga ang tauhan …

Lolo, ginang, isa pa, nalambat sa buy bust

HULI ang tatlong tulak na hinihinalang drug personalities, kabilang ang isang lolo at ginang matapos …

PASKUHAN SA MAYNILA isko moreno

Hikayat ni Yorme
“PASKUHAN SA MAYNILA” BISITAHIN

INAANYAYAHAN ni Manila Mayor at presidential aspirant Francisco “Isko Moreno” Domagoso at ni Vice Mayor …

Cold Temperature

Pinakamalamig na temperatura naitala sa Baguio, NCR ngayong taon

INIHAYAG ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na naitala ang pinakamalamig na …

P500 500 Pesos

Suspek na 2 Chinese, Pinoy natakasan
MALAYSIAN KINIDNAP SA P500 RANSOM

SA KABILA ng limang daang pisong ransom money, natakasan pa rin ng Malaysian national ang …