Tuesday , November 30 2021

Duterte patay kung patay ‘di pahuhuli nang buhay sa ICC

ni Rose Novenario

INILANTAD ni Pangulong Rodrigo Duterte ang labis na takot sa posibilidad na litisin siya sa International Criminal Court (ICC) sa kasong crimes against humanity of murder kaugnay ng libo-libo kataong napatay sa isinusulong niyang drug war. 

“Alam mo kung gusto talaga ninyo akong… It’s over my dead body. Makuha ninyo ako, dalhin ninyo ako roon sa Netherlands… patay. You will have a carcass. Hindi ako pupunta roon buhay, mga ulol. Pero ‘pag nakita ko kayo rito, unahan ko na kayo. Mga l**** kayo. Ito namang human rights,” aniya sa kanyang Talk to the People kamakalawa ng gabi.

Nauna na niyang inamin na takot siya sa mga pagbabantang kakasuhan nina dating senador Antonio Trillanes IV at dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio kaya sasabak siya sa 2022 vice presidential race upang makaligtas sa asunto.

Nagbanta kamakailan si Trillanes na ihahatid si Duterte sa ICC kahit manalong bise presidente.

“Hindi siya makaliligtas. Kapag nanalo ang oposisyon kahit manalo siya ng VP, ihahatid pa rin siya sa ICC,” sabi ni Trillanes sa panayam ng HATAW.

Sa kabila nito’y hindi kombinsido si Trillanes na may malaking tsansa si Duterte sa vice presidential race dahil base umano sa survey na isinagawa ng kanilang grupo, mababa ang popularidad ng Pangulo at kaya siyang talunin kapag sumabak sa pagka-bise-presidente sina Sen. Grace Poe, Manila Mayor Isko Moreno, at Senate President Tito Sotto.

“Wala siyang magagawa, ‘yung postura niyang ganyan, nag-survey kami, hindi siya mananalo kay Grace Poe, Isko Moreno at kahit si Tito Sotto tatalunin siya,” ani Trillanes.

Inatasan ng Korte Suprema ang administrasyong Duterte na makipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC na taliwas sa paninindigan ng gobyerno na hindi ito bahagi ng Rome Statute

Sa desisyon ng Korte Suprema noong nakalipas na buwan na iniakda ni Associate Justice Marvic Leonen, sumang-ayon ang SC na nananatili ang hurisdikson ng ICC sa mga krimen na ginawa ng isang estado hanggang hindi pa opisyal na epektibo ang pag-alis.

Labing-apat na mahistrado, kabilang si dating chief Justice Diosdado Peralta ang sumang-ayon sa desisyon.

“Whatever process was already initiated before the International Criminal Court obliges the state party to cooperate … Consequently, liability for the alleged summary killings and other atrocities committed in the course of the war on drugs is not nullified or negated here,” anang SC.

Matatandaan nagpasya si Pangulong Duterte na bawiin ang pagiging kasapi ng ICC noong 2018, isang taon makaraan maghain ng mga reklamo laban sa kanyang administrasyon at matapos ihayag ni dating top prosecutor Fatou Bensouda na bubuksan niya ang isang preliminary examination sa mga patayan bunsod ng drug war sa Filipinas.

Naging epektibo ang withdrawal ng Filipinas sa ICC noong Marso 2019.

Bago nagretiro noong nakalipas na buwan ay hiniling ni Bensouda sa pre-trial chamber ng ICC na payagan ang pagsisiyasat sa Duterte drug war dahil maaaring may naganap na crimes against humanity of murder sa pagpaslang sa drug suspects ng mga awtoridad.

Sinabi ni Bensouda, may nakita siyang sapat na batayan, batay sa isinagawang preliminary examination ng kanyang tanggapan sa mga kaso ng patayan bunsod ng Duterte drug war mula 1 Hulyo 2016 hanggang 16 Marso 2019. Naniniwala siyang dapat  pagkalooban ng judicial authorisation upang ituloy ang imbestigasyon.

About Rose Novenario

Check Also

Sab Aggabao Cara Gonzales Ayana Misola Stephanie Raz Darryl Yap

Direk Darryl sa Pornstar: Sampal sa mga konserbatibo

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio “THIS is a testament.” Ito ang iginiit ni Direk Darryl …

5 tulak nakalawit
DRUG DEN NABUWAG SA SUBIC

ARESTADO ang limang drug suspects habang nabuwag ang isang hinihinalang drug den ng mga awtoridad …

Driver sugatan sa ambush
KANDIDATONG KONSEHAL, 1 PA TODAS

PATAY sa pamamaril ng mga hindi kilalang suspek ang isang kumakandidatong konsehal at ang kanyang kasama …

300 bahay naabo sa Cebu

NATUPOK ang hindi bababa sa 300 bahay nang sumiklab ang sunog sa Brgy. Mambaling, sa lungsod …

Paslit na anak minolestiya
ng maelyang ama

HINDI na nakapagpigil  ang isang maelyang ama at pati ang sariling anak na 4-anyos ay ‘pinaglaruan.’ Naaresto …

Leave a Reply