2 trike driver huli sa P84K ilegal na droga
SWAK sa kulungan ang dalawang tricycle driver na kapwa sangkot sa pagtutulak ng ilegal na droga matapos maaresto sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Malabon police chief Col. Joel Villanueva ang mga naarestong suspek na sina Roberto Calixto, 54 anyos, residente sa B24 L4 2nd St.; at Allan Almario, 40 anyos, ng 1st St., kapwa sa Brgy. Tañong.
Ayon kay Villanueva, nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng impormasyon hinggil sa pagtutulak ng ilegal na droga ng mga suspek kaya’t isinailalim sila sa isang linggong verification.
Dakong 7:30 pm nang makompirma ang ulat, agad ikinasa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/Lt. Amadeo Tayag, Jr., ang buy bust operation laban sa mga suspek sa 2nd St., Brgy. Tañong.
Kaagad sinunggaban ng mga operatiba ang mga suspek matapos bentahan ng P10,000 halaga ng droga ang isang pulis na nagpanggap na buyer.
Nakompiska sa mga suspek ang nasa 12.4 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P84,320 ang halaga, at buy bust money na binubuo ng isang tunay na P1,000 at 9 pirasong P1,000 boodle money.
Nahaharap ang dalawang suspek sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)