Thursday , April 25 2024

PECO sanhi ng 1,464 sunog sa Iloilo — BFP

UMABOT sa 1,464 sunog o 50% ng 2,887 ng naitalang sunog sa Iloilo City ay sanhi ng electric poles ng distribution utility na Panay Electric Company (PECO), ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).

Inamin ito ng BFP sa kanilang ulat sa Energy Regulatory Commission (ERC) na kalahati ng mga naitatalang sunog sa Iloilo City ay sanhi ng electric poles ng PECO.

Isinumite ng BFP ang datos sa ERC, kasunod ng panibagong serye ng sunog sa mga poste ng PECO na naitala noong 19 hanggang 21 Oktubre na una nang inireklamo sa ahensiya at kasalukuyang iniimbestigahan.

Ayon sa BFP, hindi nasosolusyonan ang problema sa pagkasunog ng mga poste ng PECO sa nakalipas na limang taon dahil wala umanong trained na technical per­sonnel ang kompanya para agad makapag­sagawa ng trouble shoot sakaling may aberya sa mga poste.

Lumilitaw umano na ang tanging nanganga­siwa rito ay mga per­sonnel na ang gawain ay mag-monitor at mag­dokumento ng mga kaso.

Sa report sa ERC, inamin ni Iloilo City Fire Marshall Chief Inspector Christopher Regencia, bulto ng kanilang resources para sa sunog ay napupunta sa PECO dahil sa mga aberya.

Hindi umano gaya sa Cagayan de Oro na ang distribution utility ay may sariling fire pre­vention and containment unit na nakatutok sa pole fires.

Bilang depensa, sinabi ng PECO na kailangan magkaroon muna ng final technical assessment para matukoy kung sila talaga ang pinagmumulan ng sunog sa electric poles gayong may iba pang mga kable ang nakadikit sa mga poste gaya ng telecommunications at cable TV companies.

Gayonpaman kinon­tra ito ni Regencia sa pagsasabing mas matiti­bay ang mga kable ng telecoms at cable TV na nasa 24 volt charge kom­para sa 220 voltage charge na gamit ng PECO.

Batay sa rekord ng BFP na isinumite sa ERC, noong 2014 ay 224 ang pole fires sa 427 sunog na naitala sa Iloilo; noong 2015 ay 228 ang pole fires; 303 pole fires noong 2016; 275 sunog noong 2017; at 233 noong 2018.

Ngayong Enero hanggang Oktubre 2019 ay 201 ang naitalang pole fires.

Sinabi ng BFP, sa kanilang imbestigasyon ay lumilitaw na “short circuit secondary service lines” o sa madaling salita ay mga exposed elec­tricity wires ang pinag­mulan ng sunog gayondin ang pagkakaroon ng mga jumper.

Ang magkakasunod na sunog sa mga poste noong nakaraang buwan ang nag-udyok sa lokal na pamahalaan ng Iloilo City na ireklamo ang kompanya sa Mala­cañang at sa ERC.

Ang PECO ay nag-o-operate na lamang sa ilalim ng provisional authority na inisyu ng ERC dahil hindi nabigyan ng legislative franchise ng Kongreso.

Binibigyan ng ERC ang PECO nang dalawang taon para mailipat ang lahat ng kanilang dis­tribution assets sa bagong distibution utility na More Power and Electric Corp. (MEPC) na ginawaran ng prangkisa ng Kongreso matapos ang naiulat na kapalpakan ng PECO sa kanilang ser­bisyo.

HATAW News Team

About hataw tabloid

Check Also

fire dead

Nanay naghanap ng kahoy para panggatong
2 PASLIT NA MAG-UTOL NAABO SA SUMABOG NA TANGKE NG LPG

SILANG, CAVITE — Masusing iniimbestigahan ang pagkamatay sa sunog ng magkapatid na paslit base sa …

Ejay Falcon Alan Peter Pia Cayetano ORIENTAL MINDORO

Mga Cayetano, nagpaabot ng tulong  
1,650 BENEPISARYO, 50 TESDA SCHOLARS PARA SA ORIENTAL MINDORO

UMABOT sa 1,650 benepisaryo mula sa iba’t ibang sektor at distrito sa Oriental Mindoro ang …

PCMC MRI and CT scan Pia Cayetano Bong Go

Cayetano nanguna sa pasinaya  
STATE-OF-THE-ART MRI, CT SCAN EQUIPMENT, ATBP FACILITIES SA PCMC

PINANGUNAHAN ni Senadora Pia Cayetano ang pagbubukas ng Philippine Children’s Medical Center (PCMC) para sa …

Navoteño solo parents cash subsidy

Navoteño solo parents tumanggap ng buwanang cash subsidy

SINIMULAN ng pamahalaang lungsod ng Navotas ang pamamahagi ng buwanang cash subsidy para sa mga …

drugs pot session arrest

4 arestado sa pot-session sa Valenzuela

SWAK sa kulungan ang apat katao matapos mahuli sa akto ng mga pulis na sumisinghot …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *