Saturday , April 20 2024

Pandaigdig na Taon ng mga Katutubong Wika

KUMUSTA?

Alam mo ba na Pandaigdig na Taon ng mga Katutubong Wika ang 2019?

Idineklara ito ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO) upang  imulat ang lahat sa pangangailangang panatilihin, palakasin, at palaganapin ang mga katutubong wika.

Kaya nanawagan ang UNESCO sa mga pamahalaan, ahensiya, organisasyon, samba­yanan, akademiya, pampubliko’t pribadong sektor, at iba pang entidad.

Isa nga sa mga tumugon dito ay ang ating Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Para sa Agosto, ginawa ng KWF — bilang paksa para sa Buwan ng Wikang Pambansa — ang Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino.

Parang sanggang-dikit ang UNESCO at KWF sa pagdulog sa mga lingkod-bayan.

Kaya naman inumpisahan noon pa mang 29 Hulyo

ang simbolikong pagbubukas ng Buwan ng

Pambansang Wika — sa tulong ni Kgg. Isko Moreno — na dahil mahilig sa salita ay nakabuo na ng maituturing na “Iskonaryo.”

Bukod sa mga ehekutibong sangay, kinatok din ng KWF ang pinto’t pusong lehislatibo.

At nagpapasok ito sa eksibit na Filipino Ito! habang nakasalang ang Senate Bill 499 ni Senador Vicente Sotto na inaasahang maghahawan ng landas para sa mas makataong pagsisilbi sa bayan.

Makasaysayan ang 17 Agosto hindi lamang para sa Isabela kundi para sa buong bansa nang itinayo ang ika-16 na Bantayog-Wika sa ngalan ng mga Yogad.

Bukod dito, lampas na sa 40 Sentro ng Wika at Kultura ang nagpakulo ng tertulyang nakatuon sa katutubong wika.

Nasundan ito ng dalawang kumperensiya.

Una, ang Hasaan na pumanday sa mga tagasaling nagpalihan sa Sentro ng Salin at Aralin ng Salin ng Unibersidad ng Santo Tomas.

Ikalawa, ang Pambansang Kongreso na binuksan noong 19 Agosto, kaarawan mismo ni Pangulong Manuel Luis Quezon, hanggang noong 21 Agosto, ang araw ng kamatayan ni Sen. Benigno Aquino.

Pinalad tayong maanyayahan sa Lungsod Bacolod upang talakayin ang Tulang-Bayan sa harap ng higit 400 kalahok at kinatawan ng katutu­bong wika na naghain sa nasabing kongreso ang isang resolusyon.

Napagkasunduan na dapat tiyaking maaala­gaan ang mga wika bilang pamanang kultural!

Ang pinakarurok ng pagtatampok sa wikang

Filipino ay ang Pammadayaw: Araw ng Gawad 2019. Nangangahulugang “pagpapa­rangal” at/o “pagtitipon” sa Ilocano, ito ay sinimulan noon pang 2016.

Nitong 27 Agosto sa Cultural Center of the

Philippines (CCP), ipininid ng Pambansang Alagad ng Sining Virgilio Almario ang lahat ng gawain sa buong Agosto sa pamamagitan ng kaniyang pagbubukas ng Pammadayaw.

Lima ang nag-uwi ng Selyo ng Kahusayan sa Wika at Kultura: Aurora State College of Science and Technology, Bukidnon State University, Pangasinan State University, Sorsogon State College, at Western Mindanao State University.

Para sa Timpalak Jacinto sa Sanaysay, nagwagi ang Katutubong Wika: Sinag ng Pagkakakilanlang Filipino  ni Lalaine Fernandez Lacdao ng Agusan del Norte (unang gantimpala); Epifanio sa Hapag ni  Peter Ryuken Barquin Hermosura ng Bulakan (ikalawang gantimpala), at Wika Nati’y Katutubô, Hindi Katútubô ni Jester Gabriel de Leon ng Nueva Ecija (ikatlong gantimpla).

Para naman sa Sanaysay ng Taon, tinangay ni Precioso Mamatan Dahe ng Bukidnon ang unang gantimpala, ni Leodivico Cruz Lacsamana ng University of Asia and the Pacific ang ikalawang gantimpala, at ni Dorothy Javier-Martinez ng Pamantasang De La Salle Maynila ang ikatlong gantimpala.

Nagkaroon din ng iKAW o iKabataan Ambásadór sa Wika — matapos ang tagisan ng talinong pangwika at pangkultura at ng mga platapormang pangwika na nais ipatupad ng mga kalahok – at siya ay si Jhon Joseph D. Pandong II para sa wikang Binukid.

Ang pinakang-gitna ng palatuntunan ay ang mga Kampeon ng Wika ngayong 2019 na sina Dr. Michael Coroza (Panitikan at Pagsasalin), Dr. Mario Miclat (Araling Kultural), G. Joaquin Sy (Pagsasalin), at Dr. Galileo Zafra (Panitikan at Wika). Sinundan ito ng pagdakila sa Dangal ng Wikang Filipino na si Dr. Teresita Ramos (Lingguwistika).

Kinabukasan, nagawa pa ng KWF na magkaloob ng Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko para sa mga sumusunod na ahensiyang pampamahalaan: Lungsod Sta. Rosa,( Kagawaran ng Pagsasaka,( Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan, Pambansang Komisyon sa Laban sa Kahirapan, Tanggapang Pampanguluhan sa Operasyong Pangkomunikasyon, Pangasiwaan sa Pagpapaunlad ng Kalakhang Maynila, Pang-alaalang Sentrong Medikal Quirino,Sentrong Medikal ng Rizal, Komisyon sa mga Filipino sa Ibayong Dagat, Lungsod Maynila, Lungsod Taguig, Lungsod Mandaluyong, at Korpo­rasyong Pangkoreo ng Pilipinas.

Bakit nga ba ito ginagawa?

O kailangang gawin?

Sapagkat, sa pagkawala ng mga wika, naglalaho rin ang kakambal nitong kasaysayang taglay-taglay ang mayamang habi ng wika ng pagkakaiba-iba sa buong mundo.

KUMUSTA?
ni Vim Nadera

About Vim Nadera

Check Also

FIRING LINE ni Robert B. Roque, Jr.

Sinong gustong dumaan sa EDSA Carousel?

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. PARA sa mga nagdududa sa ‘kasagradohan’ ng EDSA Carousel …

Sipat Mat Vicencio

Mayor Abby Binay pasok sa ‘Magic 12’ ng Pulse Asia, hahaha…

SIPATni Mat Vicencio SINO ba naman ang maniniwala sa ginawang survey ng Pulse Asia kamakailan …

Dragon Lady Amor Virata

Ikot-ikot na para sa 2025 local elections

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata IBA’T IBANG pakulo o propaganda na ang sinisimulan ng …

AKSYON AGAD ni Almar Danguilan

QCPD nakapagtala ng 82.61% Crime Solution Efficiency sa nagdaang Semana Santa

AKSYON AGADni Almar Danguilan SADYANG hindi maiwasan na saluduhan ang Philippine National Police (PNP) sa …

YANIG ni Bong Ramos

Riders at tricycle drivers, ‘suki’ ng traffic enforcers

YANIGni Bong Ramos KAHABAG-HABAG ang kalagayan ng riders at tricycle drivers dahil sila ay suking …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *