6 sugatan, ospital at iba pang gusali napinsala sa pagsabog sa tea house sa Maynila
SUGATAN ang anim katao sa nangyaring pagsabog sa Maynila kahapon, Linggo ng umaga.
Natunton ang pinagmulan ng pagsabog sa Yogurt & Teahouse sa Gastambide Street, Sampaloc, Maynila.
Apektado rin sa pagsabog ang katapat nitong Jashley Hydro Refilling Station at ang mga kalapit na gusali.
Nasira ang kanilang roll-up na pintuan, habang nabasag ang glass windows ng Mary Chiles General Hospital sa tapat ng mga establisimiyentong nasira.
Napinsala rin ang anim na sasakyan na naka-park malapit sa pinangyarihan ng insidente.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng Manila Police District’s Explosive and Ordnance Division, posibleng nag-leak ang liquefied petroleum gas (LPG) tank sa yogurt place.
Nabatid, naamoy pa rin ng mga awtoridad ang LPG nang makarating sila sa lugar.
