Sunday , February 25 2024

E-trikes sa Maynila, sino ba ang kikita?

00 Kalampag percyBAWAL na raw pumasada sa Maynila ang mga tricycle na de motor, kuliglig at pedicab na walang prangkisa mula sa City Hall umpisa sa October 15.

Pumasok na kasi sa larangan ng garapalang pagnenegosyo ang City Hall kaya ang mga nabanggit na sasakyan ay papalitan na ng ibebentang e-trike o de-bateryang tricycle.

Kundi tayo nagkamali, sinubukan na rin ang kagaguhang negosyong ito noon sa isang lungsod sa Metro Manila na pinagkakitaan lang pero hindi naman nagtagumpay dahil pumalpak.

Gamit na kumot sa katarantaduhang ito ang isang Ordinansang ipinasa ng Konseho para bihisan ng legalidad ang negosyo na nagpapahintulot kay ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada na sandukin ang pondo ng Maynila na ipambibili ng e-trikes.

Bakit, kailan pa naisalin ng batas sa Konseho ang karapatan sa pagkakaloob ng prangkisa na tanging Kongreso lamang ang may kapangyarihan?

Kesyo pinayagan daw ng Konseho na sumandok ng P120 million si Erap para sa pagbili ng 10,000 e-trikes.

At para mabawi ang puhunan ay pahuhulugan ng City Hall sa mahihirap ang e-trikes sa halagang mula P200 hanggang P300 kada araw sa loob ng apat na taon.

Sa madaling sabi, kung kukuwentahin, P438,000 ang kabuuang halaga na dapat bunuin bawa’t isang unit katumbas ng kompletong kabayaran.

Kung sakali, magkano ba ang halagang aabutin ng aktuwal na halaga ng isang e-trike sa tindahan?

Ayon din sa batas, ang LTFRB lamang ang may poder na magkalaoob ng prangkisa para sa mga sasakyan bukod sa driver’s license mula sa LTO na requirement sa pagmamaneho na hindi puwedeng saklawan ng Konsuhol, este, Konseho.

Bakit sa tuwing may pinapapasok na transaksiyon si Erap ay laging hindi nababanggit kung sino ang supplier o kakontrata na pagkukunan, tulad ng e-trike na ibebenta nila?

Ipinagbabawal ni Erap na bumili at magmay-ari ng tricycle, pedicab at kuliglig ang mga Manileño para gamiting dahilan ang e-trikes upang makasandok sa kaban ng Maynila.

‘Yan ang tinatawag na ipinaglihi ang talim sa lagareng hapon dahil sa buwis ng mga bebentahan din kukunin ang ipupuhunan sa e-trike na ibebenta sa kanila.

Paborito talagang huthutan ni Erap ang mahihirap kaya nga nahatulan siya ng Sandiganyan sa kasong pandarambong sa jueteng money, pera ng SSS at GSIS na kanyang kinulimbat.

Sorry na lang sa mga biktima dahil ‘pag bumaha ay hindi rin magagamit ang e-trike dahil masisira.

Pero ang masaklap, hindi man mag-click ang ipinagduduldulang e-trikes, tiyak na ang pagsandok ni Erap ng pondong pinayagan ng mga kasabwat niyang konsehal.

Ang nanakawin ngayon ay apat na taon na namang paghihirapan na mabayaran ng mga biktimang Manileño.

LEON GUERRERO ABSUWELTO;
PAGNANAKAW ALA-BERDE NA!

SIGURADONG nagdiriwang na ngayon ang mga magnanakaw sa pamahalaan matapos iabsuwelto ng Sandiganbayan First Division si dating Senador Manuel “Lito” Lapid sa kasong graft kaugnay ng “fertilizer scam” at ang mga kakontsabang sina  Ma. Victoria Aquino-Abubakar, Leolita Aquino at Dexter Alexander Vasquez, kamakailan.

Ang sabi sa desisyon ng Sandiganbayan, “From the foregoing discussions, the Court is constrained to grant the dismissal of the case on the ground of violation of the right of accused Lapid to the speedy resolution of his case,” the court added.

Hindi lang isinisisi ng Sandiganbayan sa Ombudsman kaya inabsuwelto nila si “Leon Guerrero” kung ‘di dapat pa natin siyang kaaawaan at pinalilitaw na naaagrabyado sa maanomalyang pagkakabili sa P4.268 million overpriced liquid fertilizer habang nakaupong gobernador ng Pampanga noong May 2004.

Sino pa ngayon ang matatakot makasuhan sa pagnanakaw sa kuwarta ng bayan kung sa teknikal lang daraanin ng Sandiganbayan ang pagpapasiya sa graft at plunder cases ng mga magnanakaw at mandarambong sa pamahalaan?

Sana, imbes demurer to evidence ay sa right to speedy trial na rin inabsuwelto si dating Pang. Gloria Macapagal Arroyo na hindi umusad ang kaso sa Sandiganbayan mula nang makulong sa Veterans Memorial Hospital hanggang matapos ang termino ni PNoy.

‘Di ba dapat sisihin din ng Sandiganbayan ang kanilang sarili sa pagtengga nila sa kaso ni GMA na hindi nilitis sa loob ng mas mahabang panahon, kompara sa itinagal ng kaso ni Leon Guerrero sa Ombudsman?

Sa madaling sabi, libre na ang magnakaw sa gobyerno basta’t patagalin lang sa Ombudsman ang kaso bago isampa sa Sandiganbayan para maabsuwelto.

Ang hindi binanggit ng Sandiganbayan ay kung dapat pang humingi ng tawad kay Leon Guerrero ang mga Kapampangan, hehehe!

‘Pag hindi iniapela ng Ombudsman sa Korte Suprema na mabaligtad ang desisyon ng Sandiganbayan, may dahilan para pagdudahang sila rin ang nagtuturo kung paano malulusutan ang kaso kapag mabigat ang ebidensiya.

“INSTANT SENATOR”

KUNG ‘di man nahihibang si dating Metro Manila Development Authority (MMDA) chair Francis Tolentino ay malamang na nangangarap siya nang dilat kaya hindi pa maka-recover hangga ngayon matapos ang masaklap na pagkatalo sa pagtakbo bilang senador sa nakaraang 2016 elections.

Sa kanyang inihaing petisyon sa Senate Electoral Tribunal (SET) na may petsang October 6, hinihiling niya ang pagtanggal kay suspected illegal drugs protector Sen. Leila de Lima sa paratang na pandaraya sa nakaraang eleksiyon at siya ang ipalit sa puwesto nito.

Dahil matagal siyang alkalde ng Tagaytay, nagkaroon ng masamang akala si Tolentino na sakaling mabakante ang puwestong inaambisyon niya ay puwede na siyang ipalit dahil siya ang malayong pang No. 13 na sumusunod kay De Lima na No. 12 o pinaka-huli sa mga itinanghal na nanalong Senador.

Paano siyang ipapalit gayong ang kaso ni De Lima ay pagkakasangkot bilang protektor sa ilegal na droga sa New Bilibid Prison (NBP) at hindi naman pandaraya sa eleksiyon?

Hindi ba’t kung may ebidensiya siya na nandaya si De Lima ay pagkatapos mismo ng eleksiyon siya kara-karaka naghain ng protesta at hindi ngayon lang?

Isa pa, sa kanyang petisyon sa SET ay wala naman siyang iprinesintang partikular na ebidensiya kung saang mga lugar at kung ano’ng klaseng pandaraya ang naganap sa mahigit 1.5 milyong boto ni De Lima sa kanya.

Kung makukulong si De Lima ay mas makabubuti na manatiling bakante na lang ang kanyang puwesto para makatipid ang gobyerno.

Hindi kaya kailangang magpasikip si Tolentino ng maluluwag na turnilyo?

Nakaiinggit naman si Tolentino, colored by Technicolor pa kung managinip!

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG – Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

FIRING LINE ni Robert B. Roque, Jr.

Pumapabor sa ICC ang kapalaran

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. Inakala ko noon na nag-iisa lamang ako sa pambabatikos …

AKSYON AGAD ni Almar Danguilan

SSS revenue target para sa 2023, lumagpas sa 9.5 percent

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAKATUTUWA ang napaulat nitong nagdaang linggo kaugnay sa  koleksyon “revenue”  ng …

Dragon Lady Amor Virata

Hirit sa P100 dagdag-sahod malabo

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata SABI ng DOLE, ‘di kaya ng mga employers na …

Sipat Mat Vicencio

Hindi palulusutin ni PBBM sina Go, Tol, Bato sa 2025

SIPATni Mat Vicencio HINDI dapat umasa pa sina Senator Bong Go, Francis “Tol” Tolentino at …

FIRING LINE ni Robert B. Roque, Jr.

Paboritong krimen ‘pag Pebrero: Pag-ibig

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. KAAKIBAT ng Pebrero ang ideya na ang kinakailangan ng …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *