This site uses cookies for analytics and to improve your experience. By clicking Accept, you consent to our use of cookies. Learn more in our privacy policy.
PATAY ang isang 42-anyos manikyurista habang sugatan ang kanyang ina nang pagsasaksain ng live-in partner na nagtangkang magpakamatay sa pamamagitan ng pagsaksak sa sarili sa Las Piñas City kamakalawa ng gabi.
Binawian ng buhay bago idating sa Las Piñas District Hospital ang biktimang si Elena Gamboa, 42, ng 79 Diamond St., Phase 5, BF Martinville, Brgy. Manuyo Dos, Las Piñas City.
Habang ginagamot sa nabanggit na pagamutan ang ina ni Gamboa na si Consuelo Madriego, 65, residente sa lugar, tinamaan nang malalim na saksak sa dibdib.
Sugatan ang suspek na isinugod sa Rizal Medical Center sa Pasig City na kinilalang si Darwin Carbon Rodriguez, tubong Iloilo, dahil sa saksak sa leeg nang tangkaing tapusin ang sariling buhay makaraan mapatay ang kinakasama at masaksak ang biyenan.
Ayon kay Las Piñas City Police chief, Senior Supt. Jemar D. Modequillo, dakong 8:42 p.m. naganap ang insidente sa loob ng bahay ni Gamboa sa Diamond St., Phase 5, BF Martinville, Brgy. Manuyo Dos.
Sa salaysay sa pulisya ni Jeffrey Gamboa, 18, kaanak ni Elena, nagtalo ang suspek at ang biyenan na si Madriego dahil sa pagseselos kay Elena. Sinasabing ipinagtanggol ng matanda ang kanyang anak.
Inawat ni Elena sa pagtatalo ang dalawa ngunit biglang kumuha ng patalim ang suspek at ilang beses na sinaksak ang biktima.
Sunod na pinagsasaksak ng suspek ang biyenan ngunit pagkaraan ay tinarakan din ang kanyang sarili.