This site uses cookies for analytics and to improve your experience. By clicking Accept, you consent to our use of cookies. Learn more in our privacy policy.
PATAY ang mag-ina ni police retired Gen. Ismael Rafanan makaraan matupok sa sunog ang kanilang bahay sa Quezon City kahapon ng umaga.
Sa ulat kay Sr. Supt. Jesus Fernandez, Quezon City Fire Marshal, hindi na makilala ang bangkay ng asawa ni Rafanan na si Merilyn, 61, at kanilang anak na si Stara, 27, nang matagpuan sa loob ng kanilang naabong bahay sa Block 4, Lot 11, Courage St., Capitol Homes, Brgy. Batasan Hills, Quezon City.
Ayon kay Chief Insp. Aristotel Banyaga, chief for operation ng Quezon City Fire Department, si Merilyn ay natagpuan sa loob ng comfort room ng master’s bedroom habang si Stara ay nakita sa loob ng kanyang kuwarto.
Sinabi ng opisyal, nag-umpisa ang sunog na umabot sa 3rd alarm, dakong 7:52 am sa master’s bedroom at naapula dakong 8:22 am
Nabatid sa imbestigasyon, habang naglilinis at naglalaba ang mga kasambahay, nakita nilang may lumalabas na usok mula sa kuwarto ni Merilyn at nasusunog ang bahay.
Mabilis na kumalat ang apoy at tinupok ang bahay kaya hindi na nagawa pang makalabas ng kani-kanilang kuwarto ang mag-ina.
Isinisigaw ng mga katulong sa kanilang mga amo na nasusunog ang bahay ngunit nabigong makalabas ang mag-ina.
Pinaniniwalaang na-suffocate ang mag-ina dahil sa usok kaya hindi na nakalabas.
Inaalam ng mga awtoridad ang sanhi ng nasabing sunog.