Pabuya vs drug lord tinaasan

ITINAAS ni President-elect Rodrigo Duterte ang ‘bounty’ o pabuya sa sino mang makapapatay ng drug lords, na umabot na ngayon sa P5 milyon.

Kinompirma ni Duterte, kapag drug lord ang napatay, makatatanggap ng P5 milyon ang nakapatay rito, P4 milyon mahigit kapag buhay.

Sa talumpati ni Duterte sa isinagawang thanksgiving party sa Crocodile Farm sa Davao City nitong Sabado ng gabi, kapag distributor ng droga ang napatay, makatatanggap ng P2 milyon bounty ang nakapatay.

Kapag “small time” drug peddlers nasa P50,000 ang pabuya.

“Ang bayad ko ngayon, pagka-drug lord P5 milyon ‘pag patay. Kung (buhay), P4 million 999 thousand lang,” pahayag ni Duterte sa kanyang speech.

Hinikayat din ni Duterte ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad hinggil sa kanyang isinusulong na kampanya laban sa ilegal na droga.

Sa nakaraang mga pahayag ni Duterte, kanyang iniutos sa PNP ang ‘shoot to kill order’ sa mga kriminal na lalaban sa mga awtoridad.