This site uses cookies for analytics and to improve your experience. By clicking Accept, you consent to our use of cookies. Learn more in our privacy policy.
INOOBSERBAHAN sa pagamutan ang isang babaeng hinihinalang nagbebenta ng panandaliang aliw nang saksakin ng isang lalaking lasing sa isang motel sa Pasay City kahapon ng madaling araw.
Nakaratay sa Pasay City General Hospital ang biktimang si Beth Velarmino, 36, ng Paliparan, Molino, Bacoor, Cavite.
Habang agad naaresto at nakapiit na sa Pasay City Police ang suspek na si John Carlo Revilla, 21, service crew, ng 79 Sgt. Mariano St., Don Carlos Revilla, Brgy. 148 ng lungsod.
Dakong 12:30 a.m. nang mangyari ang insidente sa loob ng Room 326 sa Rotonda Hotel sa panulukan ng EDSA at C. Cruz Street.
Sinasabing nag-check-in sa nasabing motel ang biktima kasama ang suspek at makaraan mairaos ang makamundong pagnanasa ay iniwan ang babae sa kuwarto.
Ngunit bumalik ang suspek na armado ng patalim at ilang beses na sinaksak ang biktima.
Sumigaw sa paghingi ng tulong ang biktima na narinig ng hotel attendant na si Jimmy June Ocera, 23-anyos.
Mabilis na humingi ng tulong si Ocera sa mga guwardiya ng motel nang makitang duguan ang babae at agad nadakip ang suspek na nagtangkang tumakas makaraan ang krimen.
Sa pulisya, mariing itinanggi ng suspek ang pananaksak at ikinatuwirang wala siya sa kanyang sarili bunsod ang kalasingan.