KA Jerry, hanggang ngayon ay wala pa rin kaming koryente sa Laoang, Northern Samar. Hindi namin alam kung kinalimutan na kami ng gobyerno. Para kaming lugar na walang ibang maaasahan kundi ang sarili namin. Kunsabagay, ganito talaga ang kalagayan namin dito, sarili lang ang dapat naming asahan. Pagkatapos ng eleksiyon, wala nang pakialam sa amin ang mga naluklok sa local government. Pero dahil sinalanta kami ng bagyong Nona, umasa kami na maaawa sa amin ang national government at kami ay sasaklolohan. Pero nagkamali kami. Pakiramdam namin ay natutulog ang mga diyos-diyosan sa bahaging ito ng bansa. Wala silang pakialam kahit walang bubong ang bahay ng mga tao rito, nataon pa na panay ang ulan kahit wala nang bagyo. Wala kaming mabilihan ng pagkain. Maging ang mga paaralan, simbahan at ospital ay sinalanta ng bagyo pero mukhang balewala ito sa mga awtoridad. Ang DSWD nagbibigay ng bigas, 2 kilo, 4 na kilo hanggang 5 kilo. Ang malungkot mayroon pang nakatanggap ng de latang sardinas na expired na at mabaho na ang laman.