This site uses cookies for analytics and to improve your experience. By clicking Accept, you consent to our use of cookies. Learn more in our privacy policy.
PATAY ang isang babae habang isa pa ang sugatan nang tamaan ng ligaw na bala makaraang pagbabarilin ng hindi nakilalang lalaki habang naglalaro ng Bingo sa lungsod ng Quezon kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection unit (QCPD), kinilala ang napatay na si Marianita Barbo, 46, may asawa ng Senatiorial Road, Brgy. Batasan Hills sa lungsod.
Sugatan ang isang Darwin Vera, 29, may asawa, driver at residente rin sa naturang lugar.
Agad tumakas ang suspek na nakasuot ng bull cap, puting sando, maong pants at tsinelas.
Ayon sa imbestigador na si PO2 Virgilio Mendoza, naganap ang insidente sa kanto ng Executive Road at Senatorial Road ng nasabing barangay dakong 11:45 p.m.
Sa pahayag ni Jayson Fajardo, naglalaro sila ng Bingo nang dumating ang suspek at pinagbabaril ang biktima habang tinamaan ng ligaw na bala si Vera sa kanyang kanang paa.
Isinugod ang mga biktima sa Amang Rodriguez Hospital ngunit binawian ng buhay si Barbo.