This site uses cookies for analytics and to improve your experience. By clicking Accept, you consent to our use of cookies. Learn more in our privacy policy.
HINIHINALANG panibugho ang nagtulak sa isang lalaki upang kitlin ang buhay ng kinakasama sa Parañaque City kamakalawa ng gabi.
Hindi na umabot nang buhay sa Ospital ng Parañaque si Jeanalyn Amores, 28, ng 39 Quirino Ave., Lapid Market Compound, Brgy. Baclaran ng lungsod, tinamaan ng mga saksak sa katawan.
Tinutugis ng mga tauhan ng Parañaque Police ang suspek na si Jonathan Dionisio, 40, vendor, nakatira rin sa naturang lugar.
Sa ulat na nakarating kay Parañaque City Police chief, Sr. Supt. Ariel Andrade, nangyari ang krimen dakong 9:30 p.m. sa loob ng bahay ng magka-live-in.
Sinasabing matagal nang nagsasama ang dalawa hanggang makarating sa kaalaman ng lalaki na may ibang nanliligaw sa biktima.
Bunsod nito, kinompronta ng lalaki ang kinakasama hanggang mauwi sa mainitang pagtatalo.
Sa kainitan nang pagtatalo, nakahagilap ng patalim ang lalaki at pinagsasaksak ang kinakasama.
Nang makitang duguan ang biktima ay mabilis na tumakas ang suspek habang si Amores ay isinugod ng kanyang mga kapitbahay sa naturang ospital ngunit binawian ng buhay.