This site uses cookies for analytics and to improve your experience. By clicking Accept, you consent to our use of cookies. Learn more in our privacy policy.
ARESTADO ng mga awtoridad ang suspek sa pagholdap at pagpatay sa isang 17-anyos estudyante sa Quiapo, Maynila kamakalawa ng umaga.
Kinilala ang suspek na si Richard Tenorio, 32, miyembro ng Batang City Jail, naninirahan sa P. Sevilla St., Calooocan City.
Habang ang biktima ay si Renzo Rey Boboy, estudyante ng University of Manila, at residente sa Zamora St., Pandacan, Maynila.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, dakong 6:30 a.m. papasok sa eskuwela ang biktimang sakay ng isang pampasaherong jeep papuntang Quiapo, nang sumakay rin ang suspek.
Ngunit pagsapit sa Quezon Bridge, hinablot ng suspek ang bag ng biktima. Pumalag ang biktima kaya sinaksak ng suspek.
Bagama’t sugatan, tumalon mula sa jeep ang biktima ngunit sinundan siya ng suspek at muling inundayan ng saksak at pagkaraan ay mabilis na tumakas.
Isinugod ang biktima sa Jose Reyes Memorial Medical Center ngunit binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas.
Samantala, natunton ng mga awtoridad ang suspek sa kanyang bahay sa Caloocan City at agad naaresto.