Mayor Edwin Olivarez nanawagan sa SOMCO-SMC para sa mabilis na konstruksiyon ng skyway sa NAIA

skyway constructionNANAWAGAN si Parañaque City Mayor Edwin Olivarez sa kompanyang nangangasiwa sa konstruksiyon ng Phase 1 ng Skyway Stage 3 at Phase 2 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Expressway para sa mabilis na konstruksiyon ng nasabing proyekto dahil labis na naaapektohan ang mga residente lalo na ‘yung mga nagtatrabaho at mag-aaral sa kanilang lungsod.

Ayon kay Mayor Olivarez, hindi niya pwedeng balewalain ang tumitinding reklamo sa masikip at mabagal na daloy ng sasakyan sa kanilang area sanhi ng konstruksiyon ng dalawang proyekto kaya nanawagan siya sa Skyway O & M Corp., (SOMCO), ang construction arm ng San Miguel Corporation (SMC).

Aniya, “Nais kong ipaalala sa mga contractor particular na sa SMC na may deadline silang dapat sundin para tapusin ang mga proyekto at sana ay sundin nila ito nang hindi naman nasasakripisyo ang kalidad ng trabaho para maibsan na rin ang problema sa trapiko.”

Isa sa mga labis na naapektohan ang mga mag-aaral sa isang paaralang elementary sa kanto ng Tambo at NAIA Road.

Grabe ang pagtitiis ngayon ng mga batang mag-aaral dito sa alikabok at ingay mula sa konstruksiyon ng nasabing proyekto.

Inasahan kasi ng mga taga-Parañaque na tapos na ang nasabing proyekto nitong Hunyo 30 (2015) batay sa pangako ni SOMCO President Manuel Bonoan noong Abril 2014 nang simulan ito.

Ang Phase 1 ng Skyway extension project ay kinabibilangan ng mga exit sa road alignment ng Buendia, Makati at Quirino Ave., hanggang Plaza Dilao sa Paco, Maynila.

Habang ang Skyway Stage 3 project naman na nagkakahalaga ng P26.7 bilyones na may habang 14.8 kilometro (six-lane elevated expressway) ay mag-uugnay sa dulo ng Skyway hanggang Balintawak Quezon, City.

Ang nasabing impraestruktura rin ang mag-uugnay sa South Luzon Expressway (SLEx) at North Luzon Expressway (NLEx) na pinaniniwalaang magpapaluwag ng trapiko ng mga sasakyan sa Metro Manila hanggang sa dalawang expressways.

Anyway, klaro naman ang panawagan ni Mayor Olivarez, BEAT THE DEADLINE, SOMCO President Manuel Bonoan, nang sa gayon ay hindi mahirapan ang mamamayan at hindi madagdagan ang gastos ng gobyerno.

Mantakin ninyong P26.7 bilyones ‘yan, pero tila bumabagal pa ang konstruksiyon?! 

Kailan ba talaga matatapos ‘yan Mr. Bonoan?!

Pakisagot na nga po!

[divider]

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com