Congratulations sa PNP-QCPD sa matapang na laban vs droga
HINDI naghuhulas ang sigla ng pinatinding kampanya laban sa droga ng PNP Quezon City Police District sa pangunguna ni District Director, C/Supt. Joel Pagdilao.
Kamakalawa, hindi kukulangin sa P225 milyones halaga ng shabu ang nakompiska ng QCPD-District Anti-Illegal Drugs (DAID), pinamumunuan ni C/Insp. Roberto Razon, sa isang Chinese national at isang Pinay.
Nasakote ang dalawa sa kanto ng Bulacan St., at West Ave., Brgy. PhilAm, Quezon City. Dakong 6:00 am ‘yan nitong Huwebes.
Matagal na palang minamanmanan nina Razon ang suspek na si Garry Go a.k.a Egdar Uy.
Tubong China ang tarantadong si Go pero pansamantala silang naninirahan ng isa pang suspek na kinilalang si Sheralyn Borromeo sa San Fernando, Pampanga.
SWAK sa buy-bust operations ang dalawa. Malaking operasyon ito dahil limang kilo ang naka-deal sa usapan pero nang halughugin ang kotseng gamit nina Go at Borromeo, nakakuha pa ng halos 40 kilo ng ilegal na droga.
Diyan tayo pinabilib ng QCPD. Kahit noong panahon ni dating DD, Gen. Richard Albano na ngayon ay nasa MIMAROPA na, malalaki rin ang huli nila. Kuha ang suspek at kompiskado rin ang shabu.
Kung susundan ang track record ng QCPD-DAID at ni Major Razon, hindi ito nagbabago at sa totoo lang pa-intensify nang pa-intensify.
Kaya nagtataka tayo kung bakit hindi ito nangyayari sa Maynila?!
Wala tayong nababalitaan na mayroong malalaking huli ang Manila Police District (MPD) kapag ilegal na droga ang pinag-uusapan, ‘di ba, DD, Gen. Rolly Nana?!
Kung meron man ay piso-pisong bato lang!?
Ang naalala lang nating malaking huli sa droga ng MPD ay ‘yung nakompiska sa locker ng isang miyembro ng MPD DAID?!
‘Yun lang at wala nang iba.
Bakeet?!
Sobrang higpit ba o sobrang luwag ba ang kampanya ninyo laban sa illegal drugs, Gen. Nana?!
[divider]
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
[divider]

