SA kabila ng panawagan ni Santo Papa Francisco para sa lahat, lalo na sa kaparian, na mamuhay nang payak bilang pagsunod sa pamumuhay ni Kristo Hesus ay tila bi-nge ang karamihan at patay-malisya silang parang walang narinig. Ang masakit nito may mga alagad ng simbahang Romano Katoliko ang tahasang nagbibi-nge-bi-ngehan at patuloy pa rin na kumukunsinti, kundi man nagtatampisaw sa pagbubuyangyang ng karangyaan. Halimbawa nito ang siyam na obispo ng Simbahang Romano Katoliko at pitong pari na nakilahok nang todo sa sobrang marangyang kasalan ng dalawang artista ng pelikulang Pilipino. Sabi nga ng kolumnistang si Ma. Ceres Doyo, sila (ang mga Obispo at pari) ay “nagkakandarapa” sa pagkakasal sa dalawang sikat na artista. Hindi masamang gastusin ang yaman lalo na’t kung may gagastusin. Ang pinupuna natin ang walang pakiramdam na pagwaldas nito sa gitna ng kahirapan. Bilang mga alagad ng simbahan ang mga Obispo at mga pari ay may tungkulin na hindi magpakalat ng eskandalo at kasalanan sa mundo. Ang pagdi-display ng yaman sa gitna ng pagdarahop ay sintomas din ng isang uri ng kahirapan…ito ang pagdarahop sa atensyon. Alam natin na agaw-atensyon ang yaman kaya ‘yung mga nagbubuyangyang nito ay malinaw na naghahanap ng atensyon. Ang atensyon na ito ng isang tagahanga ay maaring mauwi sa inggit, isang uri ng kasalanan. Ang yaman din na ibinubuyangyang ay maaring pagsimulan ng depression o lumbay na maaring ikamatay. Bilang mga alagad ng simbahan ang mga ganitong damdamin, inggit o lumbay, ay tungkulin ninyong labanan para sa mananampalayata. Haaay naku….pakinggan at sundin naman ninyo ang mensahe at ehemplo ng Santo Papa.