This site uses cookies for analytics and to improve your experience. By clicking Accept, you consent to our use of cookies. Learn more in our privacy policy.
SA SOMALIA ba o sa Philippines dadalaw si Pope Francis ngayong darating na Huwebes?!
Hindi kaya OVER ACTING na ‘yang inihahandang seguridad para sa Santo Papa?
Kung 37,000 pulis at militar ‘yang security force, aba ‘e sila lang pala ang ookupa sa kalye at makatatanghod kay pope Frances.
Hindi ba’t ang special request ni Pope Francis ay makadaupang-palad niya ang mga ordinaryong tao lalo na ‘yung nangangailangan ng basbas at pagkalinga?!
Bagama’t pre-arranged na ang mga makasasalamuha niyang pami-pamilya, PWDs at iba pang sector, ang alam natin si Pope Francis ay mahilig mang-sorpresa.
Ilang beses na niyang ginawa na pinahinto niya ang sasakyan at biglang bumababa para basbasan ang mga taong nakasunod sa Popemobile.
Ganyan ka-espontanyo ang Santo Papa kaya mahirap maglagay ng restriksiyon sa kanyang mga kilos.
Ang isa pang ipinag-aalala natin dito, hindi kaya magkaroon ng impresyon si Pope Francis na para siyang nasa isang bansang may giyera at hindi sa isang very hospitable Philippines?!
Sandamakmak ang concrete barriers na inilalatag sa mga kalsada na daraanan ng Santo Papa sa Kamaynilaan.
Uulitin lang po natin: Mercy & Compassion ang diwa ng pagpunta ng Santo Papa sa bansa.
Huwag naman nating iparamdam sa buong mundo na parang sandamakmak ang terorista sa ating bansa.