PINAGTAWANAN ng ilang grupo ng netizens si Department of the Interior and Local Government Secretary Mar Roxas nang sumemplang sa sinasakyang motor habang nag-iikot para i-monitor ang kalagayan ng ating mga kababayan na sinasalanta ng bagyo nitong nakaraang weekend.
At para mai-justify ang kawalan nila ng habag sa kapwa o sabihin na nating pambu-bully sa isang opisyal ng gobyerno na nagtatrabaho ng oras na iyon para tiyakin ang kaligtasan ng mga kababayan at alamin ang pinsala sa pananalanta ng bagyong Ruby, biglang sumulpot ang isyu ng ‘semplang’ at ‘helmet.’
Pinag-initan ‘yung kesyo wala raw helmet si Secretary Mar at bad example raw kasi nagmo-motor siya nang walang helmet.
Jusko naman…
Nakalulungkot naman ang kulturang ito ng ilan nating kababayan.
Hindi po tayo maka-Mar Roxas pero imbes tingnan at purihin ang magandang ginagawa ni Secretary Mar, kaugnay ng kanyang HANDS-ON na pagmo-MONITOR sa kasagsagan ng bagyong RUBY, nakahanap pa ng butas para pulaan ang kanyang ginagawa.
Hindi natin gustong bigyan ng excuse ang hindi pagsusuot ng helmet ni Secretary Mar.
May kasabihan nga, SAFETY FIRST.
Pero, hindi ba puwedeng purihin muna natin si Secretary Mar bago punahin ang pagkukulang niya sa pagsusuot ng helmet?
Sa oras ba ng kalamidad ‘e maaalala mo pa bang mag-helmet?
Matapos malimi ang aral na natutuhan natin sa daluyong ni Yolanda, hindi na nagpatumpik-tumpik si Secretary Mar na pangunahan ang command centers ng bawat rehiyon, probinsiya at bayan na tinayang sasalantahin ng bagyong Ruby.
Ang pagsemplang ni Secretary Mar sa motorsiklo ay maliit na bagay kompara sa ginawa niyang pagsisikap na maabot ang ZERO CASUALTY sa nagdaang pananalasa ng bagyong Ruby.
Sa pagkakataong ito, tinubos ni Secretary Mar kung ano man ang naging kahinaan ng administrasyong Aquino noong nakaraang daluyong ng Yolanda.
Hindi na niya inisip ang kanyang helmet dahil nang mga oras na iyon, pangunahing concern niya ang pagtulong sa ating mga kababayan na sinasalanta ng bagyo noon.
Kaysa naman doon sa isang mama na umiikot pero wala naman kalamidad at parang nangangampanya na ‘di ba?
Iisa lang ang alam nating kasalanan ni Secretary Mar Roxas ngayon … ‘yung siya ang pinaniniwalaan ng marami na Liberal party stalwart at susunod na pangulo ng bansa.
‘Yun lang, kaya ang isyu ng ‘helmet’ ay pinalaking tila air balloon!