DEADMA ang Palasyo sa ulat na ang Filipinas ang nanguna sa pinakamaraming bilang ng mga tambay sa buong kasapian ng Association of Southeast Asian Nations (Asean), at sa nagaganap na rotating brownout sa Mindanao.
Tiniyak ni Communications Secretary Herminio Coloma, Jr., kahapon, sa kabila ng mga kapalpakan sa tungkulin at panawagan ng iba’t ibang grupo na sibakin sa pwesto sina Labor Secretary Rosalinda Baldoz, at Energy Secretary Jericho Petilla, mananatili pa rin sila sa gabinete ni Pangulong Benigno Aquino III.
“Sa akin pong pagka-batid ay buo ang tiwala at kompyansa ni Pangulong Aquino kina Kalihim Rosalinda Baldoz ng Department of Labor and Employment at Carlos Jericho Petilla ng Department of Energy,” sabi ni Coloma.
Binatikos ng labor groups si Baldoz nang lumabas ang ulat ng International Labor Organization (ILO) na ang Filipinas ang may pinakamataas na bilang ng mga walang trabaho sa buong ASEAN.
Base sa Global Employment Trends ng ILO, nakapagtala ang bansa ng unemployment rate na 7.3% noong 2013.
Habang ang Brunei ay 3.7 percent, Burma, 3.5 percent; Malaysia, 3.2 percent; Singapore, 3.1 percent, at Indonesia, 6 percent.
May pinakamababang unemployment rate ang Vietnam, 1.9 percent; Laos, 1.4 percent; Thailand, 0.8 percent; at Cambodia, 0.3 percent.
Inuulan din ng kritisismo si Petilla bunsod ng nararanasang apat hanggang anim oras na brownout sa Mindanao araw-araw at hindi pagpigil sa patuloy na paglobo ng presyo ng koryente.
ni ROSE NOVELINO