CURIOUS kami kung ano ang usapan nina Coco Martin at Julia Montes dahil noong tinanong ang aktres ng entertainment press sa nakaraang thanksgiving party ng Doble Kara ay hindi siya makasagot at pawang ngiti lang at hangga’t kayang umiwas at magbukas ng ibang topic ay ginagawa.
Pero ibinabalik din naman ulit ang tanong kung may lovelife siya at halatang hindi komportable si Julia sa tanong dahil alumpihit siya sa kinauupuan niya.
Kaya naman nang masukol kung bakit walang nababalitaang nanliligaw sa kanya ay, “eh, busy pa po kasi ako. Grabe kinakabahan ako, eh, ano, focus po muna sa work (huminang sabi ng aktres). Ano ba, busy nga po kasi ako, hindi ko nga alam kung pag-uwi ko kung Sara o ano.”
Diretsong tanong kay Julia kung bakit hindi namamatay ang isyu sa kanila ni Coco, “hindi po ba dapat hindi babae ang sasagot, ‘di ba?”
Ay oo nga naman, dapat sa lalaki manggaling ang sagot.
Kaya naman pagkatapos ng Q and A ay talagang hindi namin tinantanan si Julia kasama ang ilang katoto tungkol sa kanila ni Coco.
Una naming tanong kung ano ang reaksiyon niya na crush na crush ni Ritz Azul si Coco.
“Siyempre grabe guwapo naman talaga si Coco and talented kaya sino ba naman ang hindi magkakagusto sa kanya, for sure halos lahat ng babae ay magkakagusto sa kanya,” nakangiting say ni Julia
Hirit namin kung hindi man lang siya nakaramdam ng kurot o selos, “wala, grabe,”natawang sabi.
Aminado ang dalaga na nahirapan siyang sumagot tungkol sa kanila ni Coco at hindi rin niya magawang magsinungaling, “kaya nga po ako yumuyuko sa inyo.”
Hirit ulit namin, ‘so kayo na (Coco) “grabe naman po mga tanong n’yo?” sagot ulit ng dalaga na napatingin sa amin.
At sabay sabing, “super iba lang ang communication namin ngayon.”
Anong klaseng komunikasyon mayroon sila ni Coco?
“Nag-uusap naman po kami,”nakangiting sabi ng aktres na malabo pa rin para sa amin. ”Huwag na ako (tanungin). Siya (Coco) na lang po muna (pasagutin) ng mga tanong ninyo.”
At napadausdos si Julia sa tanong kung anong masasabi niya na sa kanya inihandog ni Coco ang tropeong natanggap nito kamakailan sa 47th Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation na nanalong Phenomenal Box Office Star kasama sina Vice Ganda, Bea Alonzo, at John Lloyd Cruz.
“Bakit ako?” nauutal na sagot ng dalaga.
Hindi naman itinanggi ni Julia na sa lahat ng artistang lalaki sa showbiz ay kay Coco siya may tiwala at komportable.
Kaya naman tinanong namin kung ilang taon na ang aktres at sinabi niyang 21 sa madaling salita ay apat na taon ng close sina Coco at Julia dahil edad 17 noon ang dalaga noong magsimula sila kaya sabi namin ay sa aktor na siya nagdalaga nang husto, “opo.
“Lahat ng blessings na dumating sa akin, lahat ng mature roles ko, siya na talaga ang kasama ko.
“Siya rin talaga ang isa sa mga tumulong sa akin, ito kung ano po ang naibibigay ko ngayon,”pagtatapat ng aktres.
Balik-tanong namin kay Julia kung si Coco na ang nakikita niyang future, “(hindi kaagad makasagot ang dalaga), nakakalola ang mga question.”
Tungkol naman sa karakter ni Julia bilang kambal sa Doble Kara ay aminado siyang nahihirapan siya at nahihiya siya kapag hinihintay siya sa set ng mga kasama niya para magbihis at magpa-make up.
“Mas nagiging conscious po ako na sana hindi naman sila maghintay ng matagal kasi sa isang araw, siguro limang beses o apat ‘yung eksena ng kambal.
“Kaya binibilisan namin ‘yung pagme-make up sa akin, kasi may mga emosyon din silang (kaeksena) hino-hold bukod sa akin na nagja-jump lang ako sa isang karakter.
“Eh, sila, ime-maintain nila ‘yung karakter nila, yung emosyon nila, eh, mahirap po kapag nasa emotional part sila ng eksenang iyon,” kuwento ng dalaga.
At sa eksenang ikinasal si Kara kay Seb ((Sam) ay nauna raw kunan bilang bride at sumunod ang karakter niyang si Sara bilang bridesmaid.
At sa ikalawang libro ng Doble Kara ay mas kaabang-abang daw dahil maraming pagbabago sa mga karakter ng bawat isa lalo na sa pagkakaroon ng anak ang kambal.
Sa kabilang banda, proud ang Dreamscape Entertainment dahil nakamit ng Doble Karaang all-time high national TV rating na 19.1% mula sa direksiyon nina Manny Palo, Jon Villarin, at Erik Salud.
Tama nga ang sinabi ng leading man ni Julia na si Sam, “wife material” daw ang aktres dahil kapag walang work ay nasa bahay lang ito at mas gustong kasama ang pamilya at kapag may mga project ay hindi siya nali-link sa leading men niya dahil umiiwas siya in a sense na hindi nakikita kung saan-saan para gumimik.
Hmm, kaya naman pala hinihintay ni Coco si Julia, eh. Alam mo na Ateng Maricris.
FACT SHEET – Reggee Bonoan