Parang pinagbiyak na buko sina Paloma at ang high school student na si Janice Adams na taga-Bukidnon.
Hindi inaasahan ng dalagitang si Janice na noong i-post niya ang litrato niya sa Faceboook account niya na kamukha ni Paloma ay nag-trending kaagad at binansagan na siyang Paloma sa kanilang eskuwelahan.
Sobrang natuwa naman si Coco Martin bilang si Cardo na gumaganap na Paloma sa FPJ’s Ang Probinsyano dahil hindi niya inaasahang may kamukha si Paloma.
Ikinuwento rin ni Coco na may nagsabi sa kanya na may beauty contest bilang Miss Paloma para sa mga lalaking kumukuha ng Criminology sa isang eskuwelahan sa Pangasinan kaya nagpapasalamat ang aktor sa pagtangkilik sa kanyang karakter sa aksiyon seryeng Ang Probinsyano.
Bukambibig si Paloma sa Ang Probinsyano kaya talagang inaabangan ito ng lahat kaya buhay na buhay na naman ang aksiyon drama sa telebisyon dahil kay Coco na umaani ngayon ng magagandang rebyu at ratings game na nagtala ng 45.9% noong Lunes, Pebrero 1 kompara sa katapat nitong programa na nakakuha ng 18.1% na mahigit sa kalahati ang lamang ng una.
Pati TFC subscribers ay inaabangan si Paloma at heto na ang sabi sa amin, “sana mag-show dito si Coco na naka-Paloma,” ha, ha, ha parang imposibleng gawin iyon ng aktor.
Inamin din ni Coco na idea niya ang karakter na Paloma na gagawin sana niya sa pelikula.
Samantala, masaya rin si Coco dahil buhay na ulit ang aksiyon sa telebisyon, “nakatutuwa kasi sabi ko nga mag dire-diretso na mabuhay ulit ang action film para marami tayong matulungan, lalong-lalo na ‘yung mga stunt man, mga action director, ‘di ba?”
Ito ang layunin talaga ni Coco na mabigyan ng trabaho ang mga kasamahan sa industriya na hindi na masyadong aktibo ngayon.
Kaya naman halos lahat ng taga-showbiz ay puring-puri si Coco sa maganda nitong pakikisama sa lahat at sa mga adbokasiya niya.
At sa pagpapatuloy ng kanyang misyon, ay nailigtas na ni Cardo si Bela Padilla (Carmen) pero binaril ni Richard Yap alyas Philip Tang si Paloma kaya agaw-buhay siya sa episode noong Martes.
Nalaman na rin ito ni lola Kap ni Cardo na si Ms Susan Roces kaya sumugod ito sa hospital.
Samantala, gigil na gigil naman si Arjo Atayde (Joaquin Tuazon) dahil daig na naman siya ni Cardo Dalisay sa pagliligtas kay Carmen kaya inatasan niya ang mga kasamahang miyembro ng sindikato na patayin na Ang Probinsyano.
Iisa ang tanong ng lahat, anong susunod na karakter daw ang gagampanan ni Coco o Cardo sa Ang Probinsyano?
May suhestiyon ang kasama namin sa bahay, “pakisabi ate, puwedeng maging lola o ala Mrs Doubtfire (1993) si Coco na ginampanan noon ni Robin Williams na nanalo bilang Best Actor for Golden Globe Award.”
Going back to Coco, sigurado na kami na mananalo rin siyang best actor sa susunod na taon bilang si Paloma.
FACT SHEET – Reggee Bonoan