Nagsimulang magtanong si Daniel kay dating konsehal Mike Planas (ama ng kapatid niyang si Maggie sa ina) kung paano bumoto at kung sino ang dapat ibotong Presidente ng Pilipinas.
Pinayuhan ni Mike ang itinuturing na anak na magparehistro muna bago isipin kung sino ang iboboto sa 2016.
At dahil dito ay naisip na rin ni Mike na bakit hindi gumawa ng online viral si Daniel para hikayating magparehistro ang mga first time voter.
Ayon sa Sectetary General ng National Movement of Young Legislators Alum ni (NMLYI) na si Planas, iminungkahi niya sa organisasyon na gumawa ng information campaign si Daniel para ma-encourage sa mga tao na magparehistro at ang mga hakbang na gagawin sa pamamagitan ng online viral campaign niya.
Naikuwento ni Mike na base sa research ay may 4 hanggang 5 milyon daw ang mga bagong botante na kailangang magparehistro at tinatayang aabot naman sa 25 milyon ang hindi pa nakarehistro kasama na ang mga bagong botanteng kabataan.
Kaya nang tsikahin namin si Daniel tungkol sa gusto na niyang bumoto ay, ”yes, I have the right age to vote,” masayang sabi nito.
Hindi pa nakakapagparehistro si Daniel dahil sa kawalan ng oras dahil laging ngarag sa tapings ng Pangako Sa ‘Yo, pero sisiguraduhin daw niya na bago mag-Oktubre 31 ay nakatala na siya sa ika-anim na distrito ng Quezon City.
At komento ni Daniel bilang first time voter ay, ”siyempre excited kasi mae-exercise na natin ‘yung karapatan nating bumoto. Bawat tao ay may karapatang bumoto, siyempre sino ba ang dapat mamili ng mamamahala sa ating bayan kundi tayo rin naman.
“So very excited ako kasi isa siyang privilege gawin. Ini-exercise dapat ang right ng bawat tao na bumoto, kaya lahat ng mga kaibigan ko, isasama ko sila (magparehistro), eh, sandamakmak ang mga kaibigan ko, kaya kung sino ang iboboto ko, tiyak panalo na,” sabi niya pagkatapos ng video shoot para sa online viral ng NMYLA.
Kaya bago raw mag-deadline sa Oktubre 31 ay magpaparehistro na si Daniel sa 6th District ng Quezon City.
May naisip na bang ibobotong Presidente si Daniel.
“Yeah, ako, may mga sarili rin akong choices pero nagtatanong din ako kay tito Mike (Planas, nakarelasyon ng ina) ng lahat, like kung ano ang ginawa ng mga politikong ito.
“May mga pinag-uusapan kaming ganyan ni tito Mike parati. Para alam mo ‘yun, alam din natin, hindi tayo basta boto lang ng boto. We should exercise our right to vote bilang mamamayan.
“Kasi para sa akin, kung nagrereklamo ka sa bansa, huwag kang magreklamo kung ‘di ka naman bumoto. Wala ka namang ibinoto, eh,” pahayag ng batang aktor.
Kaya tinatawagan ni Daniel na magparehistro ang lahat ng mamamayang Filipino na hindi pa nakapagparehistro lalo na ang mga ngayon palang boboto na tulad niya.
Hindi lang daw si Daniel ang excited maging si Kathryn Bernardo ay looking forward na ring bumoto.
“Excited na nga rin siya (Kathryn),” say ng batang aktor.
Bad vibes ‘yun at pangit na trip — mensahe ni Daniel sa mga nagba-bash
Samantala, natanong namin si Daniel kung ano ang masasabi niya sa kompetisyon ng loveteams na KathNiel, JaDine (James Reid at Nadine Lustre), at LizQuen(Liza Soberano at Enrique Gil).
“Eversince naman na nagsisimula ako, ayoko ng (kompetisyon) hindi ako sa nag-aano sa komptensiya, kasi nga, tagal ko na ‘tong sinasabi sa fans ko, lalo na sa fans namin ni Kathryn, huwag nating inaaway ang sariling atin.
“Sa atin ‘yan, eh, ‘di ba? Kaysa naghihiwa-hiwalay tayo, mas masarap kung nagsasama-sama tayo, nasa isang network tayo, bakit tayo mag-aaway-away?
“At saka sa personal naman, hindi naman kami magkakaaway. Eh kaibigan ko rin ‘yang mga ‘ yan, eh. Kaya ang awkward din na naglalaban tapos kami-kami rin nag-uusap, ‘nag-aaway daw tayo’, ‘oo nga eh ok naman tayo’. Hindi ba mas maganda na united tayo,” pangangatwiran ni Daniel.
Ano naman ang komento niya sa mga supporter na bina-bash ang kapwa nila love teams?
“Alam mo ‘yang bashing eh, hindi ko maintindihan kung bakit may gumagawa pa niyan.
“Bad vibes ‘yun, eh. Huwag ka nang mang bad-vibes ng tao. Pangit ng trip na ganoon. May nage-gain ka ba or may happiness ka bang nararamdaman ‘pag sinisiraan mo tong taong to? Wala kang happiness don, nagkakaron ka lang ng points papuntang impiyerno,” sabi ni DJ.
FACT SHEET – Reggee Bonoan