Tuesday , February 3 2026
https://www.facebook.com/bingoplusph

“Ako ay Pilipino” Movement inilunsad

INILUNSAD kahapon ang Pambansang Araw ng mga Bayani ng sektor ng mga kabataan, sa pangunguna ng Partido ng mga Mag-aaral na Nagkakaisa, ang AKO AY PILIPINO MOVEMENT na magsisilbing tinig ng saloobin ng sambayanang Filipino sa gitna ng mahahalagang usapin at suliranin na kinakaharap sa kasalukuyan ng ating bansa.

Layunin ng kilusan na ipahayag ang damdamin ng sektor ng kabataan sa umiiral na sistema ng pamumuno sa ating pamahalaan na anila’y nawawala na ang dignidad, dedikasyon, delikadesa, pagkamaka-Diyos, disiplina at demokratiko ng mga nakaupo sa kapangyarihan.

“Dapat maging huwaran ng mga kabataan ang mga pinuno ng ating bayan ngunit sa nakikita namin sa mga nangyayari ngayon ay wala kaming makitang inspirasyon mula sa kanila. Bakit ganito ang nangyayari? Kaya naririto kami ngayon upang ipamulat sa kanilang isipan na nagmamatyag ang mga kabataan,” ayon kay Mark Vivas, tagapagsalita ng PAMANA at Ako ay Pilipino Movement.

Para sa mga kabataan, kinakailangan nang wakasan ang maka-personalidad na politikang umiiral sa kasalukuyan na batay lamang sa iniaalok ng mga naghaharing partido politikal sa bansa.

“Nasaan na ang dignidad at dedikasyon sa ating mga lingkod bayan? Kinain na ng korupsiyon at katiwalian. May mga nasasangkot sa korupsiyon na walang delikadesa at kumakapit pa rin sa kapangyarihan. Wala na rin ang disiplina, tingnan ninyo ang Kongreso na laging usapin ang mga absentee solons. Parang wala na silang takot sa sambayanang Filipino na siyang nagluklok sa kanila sa puwesto. At wala na rin yata silang takot sa Diyos dahil pati ang pondo ng bayan na para sa taumbayan ay kanilang pinakikialaman. Ipinagmamalaki natin na isang demokratikong bansa ang Filipinas ngunit inaabuso ito ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno.”

Samantala, panauhing pandangal sa pagtitipon si Ginoong Fernando “Ding” Diaz, isang entrepreneur, na nakiisa sa sektor ng mga kabataan sa kanilang panawagan ng tunay at makabuluhang pagbabago sa ating pamahalaan.

“Hangad ko ang inyong magandang kinabukasan. Katulad ng pangarap ng mga kabataan, at ng lahat ng sambayanang Filipino, pangarap ko rin ang magandang kinabukasan ng ating bansa. Sa pagkakaisa ng mga kabataan ay nakikita kong may pag-asa pa rin na magkaroon ng pagbabago sa pamamagitan ng pagbabalik o pagbuhay sa mga katangiang dapat na taglayin ng mga pinuno natin. May dignidad ang pagkatao, may dedikasyon sa kanilang tungkulin, may delikadesa, disiplinado sa trabaho, demokratiko, at may takot at pananampalataya sa Diyos, iyan ang dapat na maging pamantayan natin sa mga nakaupo sa pamahalaan,” ayon kay Diaz.

Kasabay din ng paglulunsad ng PAMANA ng Ako ay Pilipino Movement ay inilunsad ng sektor ng mga kabataan ang isang libreng mobile apps na magsisilbing social media component ng kanilang pagkilos upang magkaroon ng interaksiyon ang mga kabataan sa mga usapin at suliraning kinakaharap ng bansa at maipaabot na rin sa ating pamahalaan ang kanilang mga saloobin. 

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Jaja Garcia

Check Also

Arrest Shabu

Sa serye ng drug bust, P.9-M shabu nasabat

MULING nagtagumpay ang PRO3 sa kampanya kontra ilegal na droga matapos ang magkakasunod na buybust …

Bangkay ng nawawalang pulis natagpuan sa septic tank

Bangkay ng nawawalang pulis natagpuan sa septic tank

NAUWI sa isang malagim na pagkakatuklas ang paghahanap sa isang nawawalang miyembro ng Philippine National …

Alexis Castro Bulacan

Bise Gob. Castro, kinilala sa kanyang makataong pamumuno sa Golden Icons Awards

DAHIL sa kaniyang pagiging makatao at may paninindigang pamumuno, kinilala si Bise Gob. Alexis Castro …

Brian Poe Llamanzares FPJ Panday Bayanihan

Manigong Bagong Taon: Pamamahagi ng New Year Food Packs para sa mga kawani ng Legislative Security Bureau

QUEZON CITY — Sa patuloy na diwa ng malasakit at bayanihan, pinangunahan ni Cong. Brian …

NBI VACC

Estudyanteng Pinay na ginamit para sa extortion laban sa isang negosyante nagpasaklolo sa NBI

HUMINGI  ng saklolo sa National Bureau of Investigation (NBI) ang isang 18-anyos estudyanteng   Pinay kasama …