SINA Kenny Bayless at Tommy Weeks ang llamado sa hanay ng mga reperi na pinagpipilian na gigitna sa labang Floyd Mayweather Jr at Manny Pacquiao.
Bigtime ang labang ito kaya bigtime din ang magiging kabayaran sa magiging reperi. Inaasahan na titiba siya ng $10,000.
Ang iba pang kandidato para gumitna sa nasabing laban ay sina Robert Byrd, Jay Nady, Russel Mora at Vic Drakulich.
Tiyak, ngayon pa lang ay minamanmanan na ng Team Pacquiao sa pangunguna ni Bob Arum ang paraan ng pagpili sa magiging reperi. Aba’y malaking bagay kasi ang gagampanan niyang tungkulin sa makasaysayang laban.
Iba na kasi yung walang kinikilingan sa loob ng ring.
0o0
Inaasahan ni Freddie Roach na magiging mabagsik si Manny Pacquiao sa magiging paghaharap nila ni Floyd Mayweather sa May 2 sa MGM Grand.
Kung baga sa karera ng kabayo, todo na ang kanyang forecast sa nasabing laban.
Naniniwala siya na tatalunin ni Pacman si Floyd via knockout.
Well, hindi naman magsasalita si Roach na taya ang kanyang kredibilidad kung wala siyang batayan.
Marahil, kitang-kita niya ang mga galaw sa ensayo ni Manny ang kalidad na gigiba sa walang talong karta ni Floyd.
ni Alex L. Cruz