NAKATUTUWANG malaman na patuloy sa pagiging number one sa national ratings sa unang quarter ng 2015 ang Rated K. Ang top-rating weekly magazine show ng beterana at award-winning broadcast journalist na si Korina Sanchez-Roxas na nagdiriwang ng ika-10 anibersaryo.
Sa datos ng Kantar Media Philippines, most watched at number one Sunday television program sa bansa ang Rated K mula Enero 2015 hanggang Pebrero 2015. Ang Rated K din ang 5th most watched television show sa buong bansa para sa buwan ng Pebrero 2015 base sa national survey na ginawa ng Kantar Media Philippines, na may 24.6% viewer share kada Linggo.
Sa nakalipas na 10 taon, consistent ang Rated K sa pagtatampok ng mga diverse line-up ng mga istorya na sumasalamin at nagha-highlight sa kulturang Pinoy—mula sa mga inspiring stories ng celebrities at ordinaryong mga Pinoy hanggang sa latest trends sa technology, food, at fashion hanggang sa mga kakaibang kuwento ng misteryo at katatakutan hanggang sa pinaka-maiinit na entertainment, lifestyle, at leisure venues sa buong Pilipinas gayundin ang mga nakatatawa at trending na mga event at personalidad.
Ang flagship advocacy ng Rated K, ang Handog Tsinelas Campaign ni Korina, ay patuloy na nagbibigay ng libreng mga tsinelas sa lahat ng mga underprivileged na kabataan sa Luzon, Visayas, at Mindanao mula nang itatag ito walong taon na ang nakalilipas. Ngayon, halos 2 milyong pares na ng tsinelas ang naipamimigay nina Korina at ng Rated K sa lahat ng batang Pinoy sa buong bansa with the hope of restoring each child’s dignity sa pangarap ni Korina na wala ng bata sa Luzon, Visayas, at Mindanao ang maglalakad ng naka-paa.
At kaugnay ng ika-10 taong anibersaryo ng Rated K at bilang pasasalamat sa walang sawang suporta ng publiko, lumilibot si Korina sa buong bansa kasama ang kanyang Rated K team sa pamimigay ‘di lamang ng mga tsinelas sa mga bata gayundin ang mga bigas at bracelets sa mga nangangailangang mga barangay. Nagbibigay din si Korina ng mga inspirational messages sa kanyang fans at supporters pati na rin sa mga kabataan dahil paborito siyang guest speaker sa mga campuses at mga unibersidad.
Nakipag-partner din ang Rated K sa retail giant na Puregold para sa Handog Tsinelas Campaign. Lahat ng mga supporters ng Handog Tsinelas Campaign ni Korina ay maaring i-drop off ang kanilang mga rubber slipper donations sa bawat Puregold outlet sa buong bansa.
“Napakalaking blessing talaga na number one pa rin ang ‘Rated K’ sa timeslot nito sa loob ng 10 taon. Biro ninyo? Hindi madali lalo na sa kompetisyon kaya naman proud kaming lahat sa staff. Dapat pasalamatan ko ang executive producer ko na si Stanley Castro, ang buong staff ng ‘Rated K’ at ang management ng ABS-CBN kasi naniniwala talaga sila sa amin. Ito ang patunay na may malaking balita sa maliliit na buhay at salamat sa inyong lahat kasi ang ‘Rated K’ ay tungkol sa inyo, para sa inyo, at dahil sa inyo,” ani Korina.
“’Yung pagtulong sa nangangailangan at charity projects namin palagay ko ang dahilan kung bakit sinusuwerte ang ‘Rated K’. Kaya lalo pa kaming tutulong. Sobrang happy ko sa suportang ibinibigay ng tao sa ‘Handog Tsinelas Campaign’ namin at napakarami na ang mga bata na nakattanggap ng bagong tsinelas. Balak namin din na maging mas interactive—‘yung Trending Ngayon segment namin tungkol sa mga pinag-uusapan ng mga tao, at ‘yung pagtanggap ng mga sulat galing mismo sa audience para personal stories talaga. Basta manonood lang kayo palagi kasi balak naming manatiling number one, hahaha.”
Napapanood ang Rated K sa ABS-CBN tguwing Linggo ng gabi pagkatapos ng Wansapanatym.
ni Maricris Valdez Nicasio