TUMABI-TABI na kayo Bro. Mike Velarde ng El Shaddai, Bro. Eddie Villanueva ng Jesus is Lord (JIL) at Ely Soriano ng Ang Dating Daan … bigyang-daan ninyo si Bro. Manny “Pacman” Pacquiao.
Hindi lamang ang kanyang training sa boksing at pagpapaunlad sa kanyang sariling training site ang pinagkakaabalahan ngayon ni Manny.
Aba ‘e itinatayo na ngayon ni Pacman ang kanyang tw0-storey church building — tatawagin umano itong “The World for Everyone Movement Inc.”
Sa site development plan na ipinalabas ng kampo ni Manny, ang solar ng simbahan ay tatayuan umano ng prayer mountain, Bible study sanctuary, tennis court, fish pond, rock garden, picnic ground at water falls.
Target umano na matapos ito sa December 2015. Malamang itapat pa sa kanyang birthday ang inauguration nito.
Ipatatayo umano ni Pacman ang nasabing simbahan upang maging sentro ng kanyang spiritual na pagpapalakas.
Sa ganang atin, kung ano man itong pumapasok ngayon sa tuktok ni Pacman, matapos maging tanyag na boksingero ay naging artista, recording artist, game show host, poker player, billiard player, nagpolitiko, pumasok sa basketball at ngayon naman ay sa relihiyon, sana lang ay seryosohin niya ang kanyang tungkulin.
Huwag sanang masakripisyo ang mga constituent na dapat niyang paglingkuran.
Posibleng hindi nga niya ibubulsa ang pondo para sa distritong kanyang kinakatawan pero dapat na nasusubaybayan niya ang mga tao sa kanyang paligid lalo na’t ang korupsiyon sa ating bansa ay sistemado na.
Huwag din sanang magamit ang simbahang kanyang itatayo sa pagkukulto dahil hindi ito magandang ehemplo.
By the way, wala bang planong magtayo si Pacman ng kahit 100 bahay lang doon sa Tacloban at sa iba pang probinsiya na sinalanta ng Yolanda?!
Itinatanong lang natin ito dahil alam naman natin na kayang-kayang gawin ‘yan ni Manny.
Sabi nga, “When God blesses you financially, don’t raise your standard of living, raise your standard of giving.”
Hindi ba brother money ‘este Manny!?