MASAYA ang head coach ng Cagayan Valley na si Nes Pamiliar sa pagwalis ng Lady Rising Suns sa finals ng Shakey’s V League Third Conference noong Linggo ng gabi sa The Arena sa San Juan.
Kinumpleto ng tropa ni Pamiliar ang kanilang pagwalis sa Philippine Army sa pamamagitan ng 22-25, 25-23, 25-17, 20-25, 15-9 na panalo sa Game 2 ng best-of-three finals.
Ito ang ikalawang korona ng Cagayan sa V League pagkatapos na nagkampeon sila sa Open Conference noong isang taon dahil sa 16 na sunod na panalo.
Gumanti ang Lady Rising Suns sa kanilang pagkatalo sa Lady Troopers sa finals ng second conference ilang buwan na ang nakaraan.
“’Yung 16-0 medyo mas masaya ’yun kasi unang-una history ‘yun pero ngayon masaya syempre kasi naghirap din kami kasi never kami nanalo from first round to second round dyan sa Army, so maganda itong bawi namin kasi na 2-0 namin sila sa best-of-three Finals series,” wika ni Pamiliar na dating coach ng women’s volleyball team ng Far Eastern University.
“Siguro meron pa rin kaming kailangan i-prove kasi sasabihin nanalo lang kami may import so kailangan pa namin pagpursigihan sa mga susunod.”
Nanalo ang Cagayan sa Game One noong isang linggo, 25-23, 20-25, 25-21, 25-18.
Samantala, magkakaroon ng Game 3 ang men’s finals pagkatapos na talunin ng Instituto Estetico Manila ang Systema Tooth and Gum Care, 19-25, 25-19, 13-25, 25-21, 15-13, upang itabla ang serye sa tig-isang panalo.
Gagawin ang nasabing Game 3 sa susunod na Linggo, Nobyembre 16, simula alas-2:45 ng hapon at mapapanood ito nang live sa GMA News TV Channel 11.
Gagawin naman mamayang alas-4 ng hapon ang rubber match ng Far Eastern University at Rizal Technological University para sa ikatlong puwesto sa men’s division.
Tabla rin sa tig-isang panalo ang Tamaraws at Blue Thunder.
(James Ty III)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com
