ni Nonie V. Nicasio
NAIS ipakita ni Sarah Geronimo na seryoso siya sa kanyang craft bilang aktres. Kaya naman pinagbubuti ng singer/actress ang bawat assignment na natotoka sa kanya.
Sa pelikulang Maybe This Time na katambal niya si Coco Martin for the first time, muling patutunayan ni Sarah ang kanyang maturity at talento bilang aktres.
Kilala si Coco bilang isang mahusay na actor, kaya nakatulong ito kay Sarah upang mas maging inspiradong magtrabaho. “Sana ay seryosohin nyo naman po ako sa pelikulang ito. Gusto ko rin kasing mag-grow as an actress, na mapansin na may impovement, masaya na po ako,” pahayag ni Sarah.
Wala raw sa isip niya ang acting award, kuntento na raw kasi si Sarah na mapansin ng mga tao na nag-i-improve ang kanyang performance sa mga pelikula niya.
“Basta, masabi lang na may na-improve sa akin, okay na po ako doon, happy na ako.”
Dagdag pa ng Popstar Princess, “Dito sa film na ito, parang unti-unti namang naibibigay siya. Kasi may mga bagong eksena tayong ginawa, may mga bagong linya tayong ginawa.
“Although sa past movies naman na ginawa ko, lagi namang may bago. Iyon naman ang mini-make sure at gina-guarantee sa mga Star Cinema movies na ginawa ko. So, sana ay makita nila iyong pagbabago na ‘yun.”
Pagdating naman sa tandem nila ni Coco, sinabi ni Sarah na may team work sila ni Coco habang ginagawa ang pelikulang Maybe This time. “Iyong experience, forever kong iche-cherish, kasi si Coco, first time kami nagkatrabaho sa Idol and we never got the chance na makilala namin ang isa’t isa. Pero this time, sa Maybe This Time ay talagang may nabuong magandang working relationship, yung chemistry namin ni Coco.
“Tulungan kasi kami rito, naa-appreciate ko si Coco na thinking actor siya at saka para siyang direktor na ginagawa iyong mga eksena namin,” nakangiting saad pa ni Sarah.
Ang Maybe This Time ay mapapanood na sa May 28. Ito’y mula sa direksiyon ni Jerry Lopez Sineneng. Tampok din dito sina Rufa Gutierrez, Ogie Diaz, Dennis Padilla, Buboy Garovillo, Shamaine Buencamino, at iba pa.
JACKIE DAYOHA, NAG-REACT SA ISYU SA KAMPO NI TYRONE
NAKAHUNTAHAN namin si Ms. Jackie Dayoha kamakailan at napag-usapan ang napa-ulat na one-liner ng bagong manager ni Tyrone Oneza na si Ms. Yvonne Benavidez .
Isang malapit kay Ms. Jackie ang nag-react dito at nagpahayag ng, “Ang lakas ng loob naman magsalita ni Yvonne Benavidez na pinatungkulan niya na may insektong nakakasira sa singing career ni Tyrone. Nasulat sa isang tabloid na nag-one-liner pa siya na, ‘Dapat kasi, para maging maganda ang takbo ng career ni Tyrone, ang mga isekto dapat pinapatay, mga taong hindi nakakatulong sa career ni Tyrone, ‘yon ang dapat tanggalin, kasi sila ‘yung insekto…’
“Para malaman ni Yvonne, si Jackie Dayoha ang nagdugtong ng pangarap ni Edwin ‘Tyrone’ Oneza para matupad ang record album na Dito Sa ‘King Piling. Ako ang magpapatunay na kahit palagi sa ibang bansa si Ms. Jackie ay patuloy ang pagpapadala niya ng pera kay Tyrone para mabayaran ang recording expenses, publicity, at naumpisahang record promotions nito,” mahabang litanya pa nito.
Ayon naman kay Ms. Jackie, ayaw daw niyang makisali sa ganyang mga ka-cheap-an na isyu. Pero nasabi niyang 3 million ang nagastos niya para sa pagbabalik-showbiz ni Tyrone, kasama na ang ginastos sa unang album ni Tyrone.”Insekto pa ang turing niya sa akin, dugo at pawis ko ang pinuhunan para mabuo ang kanyang binalikang pangarap. Para malaman ng bagong manager ni Tyrone, ako ang record producer at pera ko lamang ang ginamit sa Dito Sa ‘King Piling.
“Ito lang paalala ko kay Ms. Yvonne, tutal siya ngayon bagong manager ni Tyrone, ipagprodyus na lang niya ng record album si Tyrone, huwag na huwag niyang magagamit sa launching at mall tours ang naprodyus kong album. Kailangan niyang manalamin muna bago siya magsalita,” saad naman ni Ms. Jackie na abala ngayon sa career ng comedian/singer na si Mojak.
Well, hopefully ay maaayos din very soon ang gusot na ito sa pagitan ng magkabilang kampo para makapag-concentrate sila sa kanilang respective careers.