KALIBO, Aklan – Dalawang katao ang patay habang dalawa rin ang sugatan makaraan mahulog sa bangin ang isang delivery truck sa Brgy. Libertad, Nabas, Aklan kamakalawa.
Kabilang sa mga namatay ang driver ng truck na si Peter Paul Palma, 46, residente ng La Paz, Iloilo; at ang pahinanteng si Arnel Epilepcia, 25, ng Brgy. Buenavista, Guimaras.
Habang ang mga sugatan ay sina Rey-ann Terible, 29, at Elmer Prodente, 20, mga pahinante at kapwa residente ng Baldoza, La Paz, Iloilo.
Ayon kay SPO4 Crispin Calzado ng Nabas-Philippine National Police station, habang binabaybay ng delivery truck ang palusong at kurbadang bahagi ng national highway ng Brgy. Libertad, Nabas, nang biglang nawalan ng preno ang sasakyan dahilan upang mahulog sa bangin.
Naipit sa loob ng truck ang katawan ng driver at isang pahinante na nakaupo sa harapang bahagi na naging sanhi ng kanilang agarang pagkamatay. Habang ang mga sugatan ay nilalapatan ng lunas sa Malay Baptist Hospital.
(BETH JULIAN)