SASALADUHANG muli ng mga namamanatang mananakbo ang kabayanihan ng mga Bataan War Patriots sa pamamagitan ng kanilang pagtahak ng nakaririmarim na 1942 Death March Trail ng Gitnang Luzon sa darating na Abril 8 at 9, 2014.
Binansagang 29th ARAW NG KAGITINGAN ULTRA-MARATHON, ang ‘di pang-kumpetisyong salit-salitang pagtakbo sa naturang ruta, na walang butaw o registration fee sa mga kalahok, ay siyang pinakamatanda at pinakamahabang distansiyang takbuhang may habang 114-kilometrong ruta, na aalpasan sa Death March Kilometer Post 0 Marker ng Mariveles, Bataan, sa ganap na 10 ng umaga.
Pangungunahan ni Mariveles Mayor Jesse Concepcion at Veterans Federation of the Philippines (VFP) Post Commander Peregrino Divinagracia, ang pagbubukas ng taunang patakbong nagsimula isang buwan at ilang araw matapos 1986 EDSA People’s Power Revolution.
Matapos ang payak na programa, sisindihan ang isang simbolikong sulo ni Divinagracia at ipapasa kay event founding organizer Ed Paez, upang itakbo ng kaniyang grupong Safer Runners of San Fernando, Inc., kasama ang Team Army, TRADOC, Mechanized Infantry Division, Sta. Rosa City Runners, Runners Plus, Tarlac City Team, Rotary Club of Baywalk Runners, at iba pa sa unang araw, patungong Lubao, Pampanga.
Tatahakin nito ang isang siyudad at walong bayan ng Bataan, bago magpalipas ng magdamag sa Lubao Gymnasium ang mga relay-runners, kung saan muling ilalatag ang pulang alpombra ng mag-iinang sina Pampanga Gov. Lilia Pineda, Vice-Gov. Dennis Pineda at Lubao Mayor Mylyn Cayabyab, sa mga mananakbo.
Bukod sa malaking tulong ng mag-anak, kabilang din ang MILO Energy Drinks, UNILAB Active Health, PCSO, MAYO Productions, Inc., Magnolia Health Tea., POCARI Sweat, PAMPANGA’s BEST, ALICE Bakery & Grocery, WESCOR Transformer Corp., SPEED Detergent Bars, EXCELLENT Noodles, Isport BOTAK, e-ventologists, co., F.M. Ringor Engineering/AdEvents, Hotel Victoria de San Fernando, BFAR Gitnang Luzon, Sports Radio 918 at iba pa, sa umaalalay sa ibang klase ng parangal sa mga Bayani ng Bataan.
Kinabukasan, Abril 9, tatahakin naman ng grupo ang bayan ng Guagua, tuloy sa Visita Iglesia sa San Guillermo Church sa bayan ng Bacolor ni Mayor Jomar Hizon, bago bagtasin ang rutang patungong istasyon ng tren sa Brgy. Sto. Nino ng Ciudad de San Fernando, para sa pagtatapos ng programa ng unang bahagi ng patakbo, kasama sina City Mayor Edwin Santiago, Rep. Oscar Rodriguez, VFP Dist. Commander Avelino Domingo, mga panlalawigan at pang-lungsod na opisyal.
Ito ay susundan ng biyahe ng mga runners, na ‘di tulad ng iniidolong Bayani, na puwersahang isinakay ng bagon ng tren, ay kumportableng sasakay ng kani-kanilang back-up vehicles patungong Sto. Domingo, Capas, Tarlac, kung saan magsisimula ang natitirang 12-kilometrong lakbayin.
Patungo ito ng Capas National Shrine o mas kilala bilang Camp O’Donnell, na siyang pinaka-dulo ng taunang saludong-patakbo, kung saan magtatapos ang dalawang-araw na panata ng mga Patriotic Runners, kaagapay ang TRADOC at Mechanized Infantry Division nina MGen. Antonio de Leon at BGen. Mayoralgo dela Cruz.
(HENRY T. VARGAS)