ni Reggee Bonoan
KAYA ba ni Slater Young maghintay ng isang taon bago niya makamit ang inaasam-asam na ‘OO’ ni Rachelle Ann Go?
Ito kasi pala ang usapan nina Rachelle Ann at Slater at dito rin masusubukan kung talagang para sila sa isa’t isat.
Say ng dalaga, “hintayin natin pagbalik ko kung hihintayin niya ako, ha, ha.”
Patungong London si Rachelle Ann dahil napili siyang gumanap na Gigi sa musical play na Miss Saigon sa London simula sa Mayo 2014 at nakatakda siyang umalis sa Pebrero 28.
Aniya, “I got an email from Miss Saigon the other day at tinatanong nila kung puwede akong mas maagang umalis kasi parang on March, magkakaroon sila ng benefit show at gusto po yata nilang i-introduce po ako at si Kim (Eva Noblezada) sa Filipino community at kasama rin namin sa shows ay galing sa iba’t ibang musicals.
“At tinanong nila kung interested ako, siyempre nag-yes naman ako, so feeling ko, mapapaaga, mga February 28 ang alis ko kasi March 2 ‘yung show.
“So, I have two months to rehearse kasi we’re opening on May 3, malapit na po and my contract is one-year.”
Nagsabi naman daw si Slater na dadalawin siya sa London, “sige tingnan natin kung tutuparin niya, test natin,” nakangiting sabi naman ng singer.
Samantala, nakilala na pala ng dalaga ang magulang ni Slater, “oo na-meet ko po, sa isang dinner, nagkaroon kami ng show doon (Cebu).”
Take note Ateng Maricris, exlusively dating sina Slater at Rachelle Ann, “yeah, wala naman akong ibang idine-date.”
Boto ba ang parents ni Rachelle Ann kay Slater, “dumadalaw minsan ‘yun, so far okay naman ang mama ko, mabait naman, eh.”
Ang pagiging simple at hindi showbiz daw ang nagustuhan ni Rachelle Ann kay Slater, “mabait at saka hindi showbiz. Kaya nagkasundo kami. Let’s see, sa ngayon kasi ang concentration ko ‘yung sa pag-alis ko.”
At ngayong araw ng mga puso ay hindi magkasama ang dalawa dahil, “nasa Cebu siya, wala naman siyang sinabi at saka malapit na po ‘yung concert, so, puro rehearsal ako this week, so dance-dance, band rehearsal, so trabaho pa rin po.”
Sa kabilang banda, tinanong ng ateng Maricris kung ano ang masasabi ni Rachelle Ann na hanggang ngayon ay ikinukompara pa rin sila ni Sarah, “hindi na nawala po ‘yan, eh.”
Lalo’t napasama ang dalaga sa musical play na Miss Saigon, samantalang si Sarah ay hanggang Pilipinas lang kilala bilang aktres at singer.
“Hindi naman, kanya-kanyang opinyon po ‘yan ng ibang tao, ako hindi ko po naisip ‘yun kasi sobra kaming (Sarah) close. Ang weird nga, kasi sobra po kaming close ngayon kung kailan wala ako sa kabilang (ABS-CBN) estasyon. Hindi ko po naisip ‘yun, kumbaga gagawin (Miss Saigon) ko lang ito bilang trabaho ko,” paliwanag mabuti ng dalaga.
Anyway, pareho ng role sina Rachelle Ann at Isay Alvarez na orihinal na Gigi sa Miss Saigon 1989 kaya natanong ang una kung malalampasan niya ang ginawa ng una sa nasabing musical play.
“Si Miss Isay ‘yan, ayoko pong ikompara ang sarili ko. Ayokong isipin na kailangang mas magaling ako sa kanya, siguro mas magandang sabihin kong galingan ko para sa sarili ko. At saka siya ‘yung original na gumanap at nakatatak na sa kanya ‘yan,” katwiran ng dalaga.
Pero bago raw mag-Miss Saigon si Rachelle Ann ay gusto muna niyang mag-iwan ng alaala sa supporters niya sa Pebrero 22 ang kanyang Miss Rachelle Ann Send-Off Concert kasama ang mga kaibigan niya sa industriya na sina Erik Santos, Christian Bautista, Mark Bautista, at Regine Velasquez na mapapanood sa Meralco Theater na produced naman ng Cornerstone Concerts at Pink Management & Productions Inc., with special thanks to Discovery Suites, Urban Smiles Modern Dentistry, Shinagawa Lasik & Aesthetics, Creative Minds Strategic Media marketing & Events with Media partners, GMA, Myx Business world, PEP. Manila Concert Scene and Astroplus.