KAPWA iginiit nina Gov. ER Ejercito at KC Concepcion na hindi sila nag-e-expect na mananalong Best Actor at Actress para sa pelikulang Boy Golden sa darating na Metro Manila Film Festival.
Ani Gov. ER, ayaw na rin niyang umasa pa na mananalo at masusungkit ang Best Actor award.
“Hindi, masaya na ako. Marami na rin ako eh. Sa ‘Asiong,’ I got four awards. Sa ‘El Presidente’, I got three awards.”
Ayon naman kay KC, masaya na siya sa mga positive feedback na natatanggap mula sa kanyang performance sa Boy Golden.
“Ayaw ko pong masyadong mag-expect, pero thank you, thank you po talaga. Napakalaking bagay, parang feeling ko nomination na po ‘yung comment na ‘yon,” ani KC na talaga namang ibang KC ang mapapanood sa Boy Golden dahil sa mapangahas nitong character sa pelikula.
Nariyang napapayag siyang makipaghalikan kay Gov. ER. ”Ang ganda po ng treatment ni direk Chito (Rono, director ng pelikula). Wala po kaming love scene, kissing scenes po mayroon,” paglilinaw ng aktres.
Nalaman din naming nagbuhos ng maraming oras ang aktres at pinaghandaang mabuti ang pelikula dahil ito ang kauna-unahang pagkakataong gagawa siya ng action scenes.
“Nag-training po ako ng mixed martial arts especially po ‘yung tinatawag na kali for the movie. Pero inumpisahan po ‘yan ni Ate Judai during ‘Huwag Ka Lang Mawawala,”paliwanag ni KC.
Maricris Valdez Nicasio