SIPAT
ni Mat Vicencio
HANGGANG sa ngayon, walang pambato na kandidato si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na masasabing ‘pambangga’ kay Vice President Sara Duterte o kay Davao City Mayor Sabastian “Baste” Duterte sa darating na presidential elections sa 2028.
Bagamat nagpahayag si Bongbong na ang kanyang administrasyon ay pipili ng isang kandidato, nakapagtatakang hanggang ngayon ay wala pa rin natutukoy o lumulutang na pangalan kung sino ang kanyang patatakbuhin sa halalan.
“I will certainly endorse a candidate in the 2028 elections. We will choose the best possible candidate who will continue what we have started, and who will bring even new and hopefully even better initiatives to the development of our country,” sabi ni Bongbong.
Pero sino ba talaga ang ‘pantapat’ ni Bongbong kay Sara o kay Baste? Sana kalimutan na ng pangulo kung kabilang sa kanyang listahan sina Sec. Vince Dizon, Sec. Gibo Teodoro, at Sec. Jonvic Remulla dahil walang panalo ang tatlo kung tatakbong pangulo.
‘Ampaw’ ang tatlong gabinete ni Bongbong, at kulelat lagi sa mga presidential survey.
Kailangan magkaroon ng isang malakas na kandidato si Bongbong at siguruhing mananalo bilang proteksiyon sa sarili at pamilya sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2028.
Tanging pag-asa ni Bongbong ay makabuo ng isang alyansa sa pagitan ng kanyang administrasyon at kakampink o dilawan, at suportahan kung sino man ang tatakbo kina dating Vice President Leni Robredo, Senator Bam Aquino, at Senator Risa Hontiveros.
Ang malungkot, si Leni ay nagdeklarang hindi na tatakbo sa pagkapangulo.
Kaya nga, dapat talagang mangyari ang alyansa, at suportahan ni Bongbong si Risa o si Bam, at gamitin ang makinarya, organisasyon at impluwensiya ng administrasyon para tiyaking hindi makalulusot si Sara.
Sa ngayon kasi, si Sara ang pinakamalakas na presidential candidate sa 2028. Patunay ang patuloy na pangunguna at pamamayagpag ng bise presidente sa mga survey kompara sa kanyang mga kalaban.
Kung tuluyang mahahatulang ‘guilty’ ang bise presidente sa impeachment trial, si Baste ang papalit kay Sara. Si Baste ay maaaring lumusot sa eleksiyon dahil sa simpatya na makukuha kung masisibak si Sara.
At kung mauupong pangulo si Baste…Bongbong, takbo na!
