NASAMSAM ng mga awtoridad ang 1,019,600 gramo (1,019.6 kilo) ng mga produktong karne na hindi dokumentado at hindi pasado sa pamantayan ng pangangasiwa sa isinagawang enforcement operation sa pampublikong pamilihan sa mga lungsod ng Gapan at Cabanatuan, sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Sa isang pahayag, sinabi ng Department of Agriculture (DA) na ang mga nakompiskang produkto, na nagkakahalaga ng P203,928, ay nakompiska noong 13 Nobyembre 2026.
Ang operasyon ay isinagawa ng mga tauhan mula sa National Meat Inspection Service – Enforcement and Regional Technical Operations Center (NMIS-ERTOC) 3, kasama ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Inspection and Enforcement Unit ng DA, at ang mga lokal na pamahalaan ng Gapan at Cabanatuan.
Kabilang sa mga nakompiskang produkto ang mga hindi dokumentadong frozen na karne, hindi wastong pinangasiwaan na frozen, thawed, at chilled na karne, hot meat, at mga produktong itinuturing na hindi angkop kainin ng tao.
Sinabi ng DA na ang mga posibleng paglabag ay kinabibilangan ng pagbalewala sa Administrative Order No. 6, serye ng 2012, na nagtatakda ng mga kinakailangang hakbang para sa paghawak ng frozen, thawed, at chilled meat sa mga pamilihan ng karne.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu, Jr., ang seguridad sa pagkain ay nangangahulugan ng higit pa sa pagpapanatili ng pagkain sa mesa.
Aniya, ito ay nangangahulugan ng pagtiyak na ang makararating na pagkain sa bawat pamilyang Filipino ay malinis at ligtas, kaya hindi nila hahayaang nasa merkado ang hindi segurado, walang dokumento, at hindi angkop na karne na maglalagay sa panganib ng kalusugan ng publiko.
Dinala ang mga nakompiskang produktong karne sa isang kinikilalang pasilidad sa Porac, Pampanga, kung saan ito ay lalagyan ng tandang hindi angkop para sa pagkonsumo ng tao alinsunod sa mga regulasyon ng NMIS.
Sinabi ng DA na ang operasyon ay bahagi ng mga pagsisikap upang maiwasan ang pagbebenta ng hindi ligtas at hindi wastong dokumentadong karne, protektahan ang mga mamimili mula sa mga panganib sa kalusugan na dala ng nasabing karne, at tiyakin ang pagsunod sa mga pamantayan sa kaligtasan ng pagkain. (MICKA BAUTISTA)
