ARESTADO ang isang babae matapos magbayad ng pekeng P1, 000 bill sa biniling dressed chicken sa public market sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Sa ulat mula kay P/Lt.Col. Lester P. Zafra, hepe ng Cabanatuan City Police Station, nasa kanilang kustodiya at iniimbestigahan ang suspek na kinilalang si Realyn Cusilet, 35 anyos, matapos gumamit ng pekeng P1,000 bill para ibayad sa isang buong dressed chicken sa Temporary Public Market sa Barangay San Isidro, Cabanatuan City, nitong 18 November 2026.
Nabatid na ibinayad ng suspek ang pekeng perang papel kapalit ng manok na binili niya sa 54-anyos tinderang si Leny Ritual.
Agad inireklamo at napigil ang suspek na inimbitahan sa tanggapan ng City Enterprise Economic Management Office (CEEMO) para sa imbestigasyon.
Nadiskubre ng mga tauhan ng CEEMO na may dala pa siyang 12 piraso ng pekeng P1,000 bill.
Humingi ng tulong ang mga tauhan ng CEEMO sa Cabanatuan City Police Station at isinuko sa himpilan ang suspek dala ang mga nakompiskang pekeng perang papel para sa karagdagang ebidensiya.
Ayon kay PLt. Col, Zafra, ihaharap ang suspek sa City Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings kaugnay ng reklamong estafa at paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code o paggamit at pagkakaroon ng pekeng treasury o bank notes. (MICKA BAUTISTA)
