LALONG nadiin sa kinakaharap na kasong syndicated estafa ang isang town councilor sa Mexico, Pampanga nang lumutang ang isang senior citizen na nagsabing inagawan siya ng lupa.
Si Jenrieta Lagman Cunanan, isang senior citizen, magsasaka mula sa Barangay Eden, Mexico, Pampanga, ay nag-akusa na ang kanyang lupang sakahan ay inilipat sa pangalan ni City of San Fernando Councilor Raquel “Ate Kay” Pineda nang wala siyang kaalaman o pahintulot.
Ayon kay Cunanan, hindi niya kailanman naibenta ang ari-arian at natuklasan na ang titulo nito ay nailipat na.
Dagdag niya, ang kanyang lagda sa deed of sale ay peke, na pinatunayan sa forensic examination ng National Bureau of Investigation (NBI) na ang lagda sa dokumento ay hindi kanya o peke.
Ang mga pangyayari kaugnay ng sinabing pamemeke at paglilipat ng pagmamay-ari ay nananatiling nasa proseso ng beripikasyon sa pamamagitan ng mga opisyal na rekord at naaangkop na mga legal na proseso.
Si Councilor Pineda a.k.a. Ate Kay ay sinampahan sa Regional Trial Court ng City of San Fernando ng kasong syndicated estafa at dalawa pa niyang kasabuwat na sina Rebecca Calma, at Analyn Pascual, pawang walang inirekomendang piyansa.
Nag-ugat ang kaso sa maanomalyang bentahan ng mga ari-arian sa Panorama Heights at Kay-Land Residences sa Mexico, Pampanga.
Ayon sa mga reklamo, natuklasan ng ilang buyer na ang mga nabili nilang property ay pag-aari na pala o kabilang sa acquired assets ng Pag-IBIG Fund at Development Bank of the Philippines (DBP).
(MICKA BAUTISTA)
