LALO pang pinatitibay ng DXD South Detailing ang suporta sa lumalawak na pickleball community sa bansa matapos nitong tanghaling eksklusibong Presenting Partner ng kauna-unahang DXD Invitational Pickleball Tournament sa Disyembre 6 sa Bang Bang Bebu, Malolos, Bulacan.
Pinangunahan ng bagong tatag na USAD Pickleball League (UPL) ang pagsasagawa ng torneo na inaasahang pagtitipunan ng hanggang 232 manlalaro mula sa iba’t ibang antas ng kasanayan.
Layunin ng kompetisyon na mabigyan ng pagkakataon ang mga manlalaro na maipamalas ang kanilang kakayahan sa isang organisado at de-kalidad na paligsahan, habang pinatitibay ang samahan ng pickleball community.
Bukod sa pagiging kilala sa automotive detailing services, ang DXD South Detailing ang awtorisadong distributor sa Pilipinas ng Artdeshine, isang Singapore-based brand na gumagawa ng advanced coating, paint protection at iba pang produkto para sa pangangalaga ng sasakyan.
May sarili rin itong linya ng car care products gaya ng car shampoo, panlinis at sealant.
Para kay DXD South Detailing co-owner Ivy Dolotalles, higit pa sa simpleng sponsorship ang kanilang pakikiisa sa torneo dahil isa rin itong paraan upang masuklian ang suporta ng komunidad na naging bahagi ng paglago ng kanilang negosyo.
Unti-unti aniya nilang nahiligan ang pickleball at nakita itong magandang pagkakataon upang makabuo ng mas matibay na ugnayan sa kanilang mga affiliate at content creator.
Nakatakdang paglalabanan ang Men’s Doubles, Women’s Doubles at Mixed Doubles sa apat na kategoryang Beginners, Novice, Low Intermediate at High Intermediate.
Gagamit din ang torneo ng DUPR-recorded competition system upang maitala ang mga resulta ng laban at magkaroon ng pagkakataon ang mga kalahok na mapahusay ang kanilang competitive records. (HNT)
Para sa mga interesadong sumali, maaaring magparehistro at alamin ang iba pang detalye sa dinkdistrictph.com/dxd.
