BATANG PINOY, MAS PINAIGTING ANG LAYUNIN MATAPOS ANG TAGUMPAY SA DAKAR YOG
Tagumpay nina Cesar at Wangkay, patunay na namumunga ang grassroots program ng PSC

Pi Durden Wangkay Naomi Marjorie Cesar Dakar YOG

MAS lalong nagkaroon ng mahalagang papel ang Batang Pinoy sa paghahanda ng mga susunod na pambato ng bansa sa pandaigdigang kompetisyon kasunod ng pinakamahusay na kampanya ng Pilipinas sa Youth Olympic Games (YOG) sa Dakar, Senegal.

Ayon kay Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Patrick “Pato” Gregorio, pinatunayan nina Naomi Marjorie Cesar at Pi Durden Forward Wangkay na may kakayahan ang mga batang atletang Pilipino na makipagsabayan sa pinakamahusay sa mundo.

Nasungkit ni Cesar ang silver medal sa women’s 800 meters habang nag-uwi naman si Wangkay ng bronze sa men’s 200 meters, na nagbigay sa Pilipinas ng pinakamagandang kampanya nito sa kasaysayan ng YOG.

“Patunay ang mga medalya nina Naomi at Pi na malaki ang kakayahan ng susunod na henerasyon ng mga atletang Pilipino. Ipinakita nila sa mundo ang kanilang galing at determinasyon,” pahayag ni Gregorio nitong Sabado mula sa Maynila.

Dagdag pa niya, bunga ang tagumpay ng dalawang atleta ng patuloy na pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan para sa kabataang atleta at pagpapaunlad ng grassroots sports.

Mananatili rin aniya ang suporta ng PSC sa mga batang kampeon upang matulungan silang umangat mula sa mga paligsahan ng kabataan patungo sa mas mataas na antas ng kompetisyon.

Bilang pagkilala sa kanilang tagumpay, makatatanggap sina Cesar at Wangkay ng insentibong P2.5 milyon at P1 milyon, ayon sa Republic Act 10699 o National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act.

Makakatanggap din ng katumbas na kalahati ng insentibo ng kani-kanilang atleta ang kanilang mga coach.

Sa gitna ng tagumpay sa Dakar, higit na binibigyang-halaga ngayon ang Batang Pinoy, ang pangunahing programa ng PSC para sa mga batang atleta.

Gaganapin ang 2026 Batang Pinoy sa Bacolod City mula Disyembre 12 hanggang 18, kung saan itinakda ni Gregorio sa 15-anyos ang pinakamataas na edad ng mga maaaring lumahok.

Hindi na lamang ito basta pambansang paligsahan kundi magsisilbi ring pagkakataon upang matukoy ang mga atletang may potensiyal na maging susunod na kinatawan ng bansa sa international competitions.

“Mas malaki na ang papel ng Batang Pinoy matapos ang pinakamahusay na kampanya natin sa YOG. Hindi na lamang ito pagpapakita ng galing sa pambansang entablado kundi magiging daan para makilala ang mga atletang may kakayahang magtagumpay sa international competitions,” ani Gregorio.

Mahalaga rin ang torneo bilang paghahanda sa kauna-unahang Southeast Asian Plus Youth Games na iho-host ng Pilipinas sa Disyembre 2 hanggang 14, 2027 sa Maynila, Pasig, Tagaytay at Subic Bay.

May 23 sports ang nakatakdang paglalabanan sa naturang kompetisyon na pangungunahan ng Philippine Olympic Committee (POC).

Muling iginiit ni Gregorio ang kanyang adhikain na palakasin ang pundasyon ng Philippine sports sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na pagkakataon sa mga batang atleta.

“From grassroots to gold, from gold to greatness!” diin ng PSC chief.

Sinuportahan ng PSC ang siyam na atletang kumatawan sa Pilipinas sa Dakar YOG, kabilang sina Cesar at Wangkay, swimmers Jamesray Mishael Ajido at Riannah Chantelle Coleman, cyclist Maritanya Krog, artistic gymnasts Tchelzy Maayo at Hillarion Palles III, wushu artist Angel Polo at windsurfer Jade Justine Justiniane.

Nalampasan ng silver medal ni Cesar at bronze ni Wangkay ang dating pinakamagandang opisyal na medal haul ng Pilipinas sa YOG, na naitala sa pamamagitan ng silver medal ni Christian Tio sa boys’ twin-tip racing ng kiteboarding sa 2018 Buenos Aires Games.

Bagama’t nagwagi rin ng gold medal si Luis Gabriel Moreno kasama si Li Jiaman ng China sa mixed NOC archery sa 2014 Nanjing Games, hindi ito opisyal na ibinilang sa medal tally ng Pilipinas.

Sa panibagong tagumpay sa Dakar, mas tumibay ang paniniwala ng PSC na ang paghubog sa mga batang atleta ang susi sa mas maliwanag na kinabukasan ng Philippine sports.

Sa pamamagitan ng Batang Pinoy, inaasahang mas marami pang talento ang matutuklasan, mahahasa at maihahanda para sa mas malalaking laban sa loob at labas ng bansa. (POC Media Pool/HNT)