FIFA, MAGPAPASIGLA SA MAKASAYSAYANG RIZAL MEMORIAL
P1.275-B pondo, ilalaan sa pagpapaganda ng istadyum at pagtatayo ng 3 football training center

FIFA Rizal Memorial Football Stadium

MULING sisigla ang makasaysayang Rizal Memorial Football Stadium matapos maglaan ang FIFA ng halos US$20 milyon o katumbas ng P1.275 bilyon para sa malawakang pagsasaayos nito at pagtatayo ng tatlong football training center sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Personal na lalagdaan ni FIFA President Gianni Infantino ang kasunduan kasama sina Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Patrick “Pato” Gregorio at Philippine Football Federation (PFF) President John Anthony Gutierrez sa Linggo sa PSC House sa Maynila.

Malaking tulong ito sa pagpapaunlad ng football sa bansa dahil walang ilalabas na pondo ang pamahalaan para maisakatuparan ang proyekto.

Kasunod ito ng matagumpay na pagho-host ng Pilipinas sa kauna-unahang FIFA Women’s Futsal World Cup noong 2025, na nagbigay-daan sa mas malaking suporta ng FIFA sa Philippine football.

Halos 92 taon nang bahagi ng kasaysayan ng Philippine sports ang Rizal Memorial Stadium. Binuksan ito noong 1934 bilang pangunahing pasilidad ng 10th Far Eastern Championship Games, kung saan nagtipon ang mga pinakamahusay na koponan sa Asya.

Dinisenyo ng kilalang arkitektong si Juan Arellano, na siya ring nasa likod ng Manila Metropolitan Theater at Old Legislative Building, tanyag ang istadyum sa kakaibang Art Deco na disenyo nito.

Dito nagharap ang mga koponan ng Pilipinas, China, Japan at Dutch East Indies noong 1934. Sa ilang laban, umabot sa 40,000 ang mga manonood na dumagsa upang saksihan ang mga laro.

Sa paglipas ng panahon, naging tahanan ito ng Philippine men’s at women’s national football teams at pinagdausan ng maraming malalaking torneo, kabilang ang Southeast Asian Games, FIFA World Cup qualifiers, AFC Asian Cup qualifiers at AFF Championship.

Hindi rin malilimutan ang mga dating Azkals na sina Phil at James Younghusband, Neil Etheridge, Stephan Schrock, Misagh Bahadoran at Angel Guirado na naging mga mukha ng pag-angat ng Philippine football noong dekada 2010.

Ilang beses nang inayos ang pasilidad, kabilang ang malawakang pagpapaganda bago ang 2019 Southeast Asian Games. Ngunit mas malaki ang pagbabagong nakatakdang mangyari sa ilalim ng bagong proyekto ng FIFA.

Target na magkaroon ang istadyum ng 25,000 upuan, mas maayos na pasilidad para sa mga manlalaro, makabagong kagamitan at mas komportableng lugar para sa mga manonood. Magkakaroon din ito ng permanenteng tanggapan ng PFF at pasilidad na angkop sa pagdaraos ng malalaking paligsahang pandaigdig.

Kasama rin sa plano ang pagpapaganda ng mga daanan, pagtatayo ng jogging path at paglalaan ng mas maayos na pampublikong lugar sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex.

Hindi lamang sa Maynila mararamdaman ang pakinabang ng proyekto.

Magtatayo rin ang FIFA ng tatlong football training center sa Luzon, Bacolod City at Cagayan de Oro. Bawat isa ay magkakaroon ng tatlong standard-size football field at dormitoryo para sa mga atleta.

Sa ganitong paraan, mabibigyan ng pagkakataon ang mga batang manlalaro sa iba’t ibang rehiyon na makapagsanay sa maayos at de-kalidad na pasilidad nang hindi na kailangang lumuwas pa sa Metro Manila.

Layunin ng proyekto na hindi lamang pagandahin ang mga pasilidad kundi palawakin din ang pagkakataon ng mga kabataang Pilipino na makapasok at umunlad sa football.

Mula sa pagiging saksi sa mahahalagang tagpo ng Philippine sports sa loob ng mahigit siyam na dekada, muling ihahanda ang Rizal Memorial Stadium para sa mas malalaking laban at paligsahan.

Sa tulong ng FIFA, inaasahang hindi lamang muling sisigla ang makasaysayang istadyum kundi mas marami ring kabataang Pilipino ang mabibigyan ng pagkakataong maabot ang kanilang pangarap sa football. (PSC/HNT)