RATED R
ni Rommel Gonzales
AYAW tabihan ni Beverly Salviejo ang co-star niyang si Alessandra de Rossi.
“Tabi pa naman siya nang tabi sa akin, gustong-gusto niya akong katabi,” umpisang bulalas ni Beverly.
“Kasi kapag kinunan kami ng litrato, lutang na lutang ‘yung ganda niya, ‘di ba?” sabi pa ng aktres.
Sinalag naman ito ni Alessandra sa pagsasabing, “Hindi ah! Mas lumulutang ‘yung color mo! Nagiging shadow lang ako.”
Pabiro naman itong sinagot ni Beverly ng, “Ikaw talaga ha, Assunta, ha!”
Noong bago pa lamang sila nagsisimulang mag-shoot ng Status: Rejected ay Assunta ang tawag ni Beverly kay Alessandra. Ate ni Alessandra ang aktres ding si Assunta de Rossi.
“Sumasagot ka naman,” sabi pa ni Beverly.
Sinagot naman siya ni Alessandra ng, “Siyempre kapatid ko iyon baka sabihin suplada,” sabay-tawa ng batang aktres.
Palabas ngayon sa 137 cinemas nationwide ang pelikula mula sa pagiging entry sa Cinemalaya noong Agosto.
Ano ang feeling?
“Sarap! Buti naman, try natin, ‘di ba,” sagot ni Alessandra.
“Very small ‘yung aming movie, indie talaga siya.
“Pero deserve niya, deserve niya actually ang 200 [na sinehan].
“Two hundred? Malay natin.”
Sumunod sila 2 Valid IDs na mula rin sa pagiging Cinemalaya entry ay ipinalabas at kumikita sa mga sinehan nationwide.
“Sana kami rin successful siyempre,” wika ni Alessandra. “Kasi kapag medyo nagtuloy-tuloy ito parang, baka nga sign na, na nabubuhay na talaga ‘yung cinema.”
Sinabi naman ni Beverly na, “Iba na ‘yung hinahanap ng tao, hindi na lang ‘yung star value, kung hindi ‘yung content, kung ano ‘yung nilalaman ng pelikula, if it is well-acted, ‘di ba?”
“Cinematic experience more than… but yeah sana bumalik na ‘yung sigla ng Philippine theaters. Kasi nakikita ko na rin eh, medyo parang kunwari mga play, andaming nanonood ‘di ba, andaming reruns, ang mamahal ng mga ticket na ‘yun. So may nanonood, eh.
“So dapat bigyan natin sila ng cinematic na experience.
“Sadly hindi naman ito Jurassic Park ano, pero acting na lang ni Tita Bev at saka ni Tita Ruby,” pahayag pa rin ni Alessandra.
