Pilipinas host ng kauna-unahang ASTAF U-19 Asian Sepaktakraw

ASTAF U-19 Asian Sepaktakraw 2026

MAGIGING sentro ng sepak takraw sa Asya ang Maynila sa pagdaraos ng kauna-unahang Asian Sepaktakraw Federation (ASTAF) U-19 Asian Sepaktakraw Championship 2026 sa Nobyembre 26 hanggang 30.

Gaganapin ang limang araw na torneo sa Rizal Memorial Sports Coliseum at Ninoy Aquino Stadium sa Maynila, sa pangunguna ng Pilipinas Sepaktakraw Association, Inc. (PSTAI) at suporta ng Philippine Sports Commission (PSC).

Ito ang unang pagkakataon na magsasagawa ang ASTAF ng Asian championship para sa mga kabataang manlalaro at unang pagkakataon ding magiging punong-abala ang Pilipinas sa naturang kompetisyon.

Kabilang sa mga bansang kumpirmadong sasali ang Bangladesh, Chinese Taipei, India, Indonesia, Iran, Iraq, Malaysia, Myanmar, Oman, South Korea, Sri Lanka, Thailand, Vietnam at Pilipinas. Inaasahang aabot sa 15 bansa ang lalahok.

Gaganapin ang opening ceremony sa Nobyembre 26, habang nakatakda naman ang awarding at closing ceremony sa Nobyembre 30.

Dalawang playing court ang ilalaan sa Rizal Memorial Sports Coliseum at isang auxiliary court sa Ninoy Aquino Stadium, na magkakaroon din ng dalawang training court para sa mga kalahok.

Ayon kay Muhammad Fariq Abdul Halim, technical delegate ng torneo at deputy president ng International Sepaktakraw Federation (ISTAF), mahalagang hakbang ang kompetisyon sa pagpapalakas ng pundasyon ng sepak takraw sa buong Asya.

Matagal aniyang nakasentro sa senior national teams ang mga international competition kaya panahon na upang mabigyan din ng pagkakataon ang mga kabataan na maranasan ang kompetisyon sa pandaigdigang entablado.

Bagama’t magkakaiba pa ang antas ng youth development ng mga bansang kasapi, positibo si Halim sa inaasahang paglahok ng nasa 15 bansa.

Binigyang-diin din niya na ang mga batang atleta ang magiging pundasyon ng paglago ng sepak takraw at mahalagang magkaroon sila ng maayos na landas mula grassroots hanggang sa senior national team.

Nagpasalamat din si Halim sa Pilipinas, partikular sa PSTAI at organizing committee, sa pagtanggap sa responsibilidad na pangasiwaan ang unang edisyon ng kampeonato.

Para kay PSC chairman Patrick Gregorio, isang karangalan para sa Philippine sports ang pagho-host ng makasaysayang torneo na magdadala sa Maynila ng pinakamahuhusay na batang manlalaro sa Asya.

Bukod sa pagkakataong makasabak sa international competition ang mga pambansang atleta sa sariling bayan, inaasahan ding mapalalakas nito ang sports tourism at grassroots development sa bansa.

Ipinagmamalaki naman ni PSTAI president Karen Claire Tanchanco-Caballero ang pagkakataong maging host ng unang ASTAF U-19 Asian Championship.

Hindi lamang aniya ito tungkol sa kompetisyon kundi pagbibigay din ng pagkakataon sa mga kabataang atleta na maipakita ang kanilang talento, magkaroon ng bagong kaibigan at mangarap na maging susunod na mga kampeon ng Asya.

Ilalabas pa ng PSTAI sa mga opisyal nitong channel ang kumpletong iskedyul ng mga laban, listahan ng mga kalahok, detalye ng admission at impormasyon hinggil sa live broadcast at livestream coverage. (PSC/HNT)