Maricel nakatatlong Best Actress trophy sa Meet, Greet & Bye

Maricel Soriano Meet Greet and Bye

MA at PA
ni Rommel Placente

PANAHON ngayon ng Diamond Star na si Maricel Soriano sa pagtanggap ng acting awards.

Tatlong magkakasunod na Best Actress trophy ang napasakamay niya para sa iisang pelikula, ang Meet, Greet & Bye.

Una ay sa Gawad Dangal Filipino Awards, na ginanap sa Admiral Hotel. Sumunod ay sa 42nd PMPC Star Awards For Movies, na ginanap sa Winford Resort and Casino Manila. At ang ikatlo ay sa FAMAS, na ginanap naman noong Martes ng gabi sa Manila Hotel.

Sa kanyang acceptance speech sa Star Awards For Movies at FAMAS, pinasalamatan niya ang apat na gumanap na mga anak niya sa nasabing pelikula na sina Piolo Pascual, Juan Karlos, Belle Mariano, at Joshua Garcia.

Mahigit limang dekada na sa showbiz ang nag-iisang Diamond Star, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin kumukupas ang husay sa pagganap. 

Kaya naman patuloy ang pagtanggap niya ng acting trophies.

At patuloy  pa ring nagniningning ang kanyang career. 

Kabi-kabila pa rin ang paggawa niya ng pelikula.

Pagkatapos siyang mapanood sa Life After You with Bela Padilla, hayan at muli siyang mapapanood sa wide screen via Haunted Carnival, na official entry ng Regal Entertainment Inc., sa Metro Manila Film Festival 2026.