AiAi ipinagtanggol si Alden: pagtulong ‘di isinasapubliko

Alden Richards Ai Ai delas Alas

MA at PA
ni Rommel Placente

NAGPAHAYAG ng suporta ang ilang mga kasamahan at kaibigan ni Alden Richards sa showbiz sa gitna ng kontrobersiyang kinahaharap ng aktor. Isa rito si Ai Ai delas Alas.

Kaugnay ito ng mga akusasyon ng social media personality na si Xian Gaza laban kay Alden,na umano’y nanloko at nagsamantala ng kabaitan ng ibang tao.

Sa isang Facebook video ay sinabi ni Xian na tumanggi ang aktor na lisanin ang isang condominium unit na umano’y ipinagamit ng isang mayamang mag-asawang negosyante.

Inakusahan din niya ang aktor ng hindi pagsasauli ng anim na mamahaling relo na nagkakahalaga ng milyon-milyong piso.

Humihiram din umano si Alden ng mga mamahaling gamit na ginagamit nito sa showbiz events, at nababahala raw ang mag-asawa kung maibabalik pa ba ang mga iyon.

Sa ngayon ay wala pang direktang sagot si Alden o ang kampo nito sa mga alegasyong ibinabato sa kanya.

Kung tahimik si Alden tungkol sa isyu, si Ai Ai ay hindi pinalampas at ipinagtanggol siya.

Sa isang Instagram post ay sinabi ng komedyana na lubos na matulungin si Alden at ayaw nitong isinasapubliko ang ginagawang pagtulong.

Sabi ni Ai-Ai sa kanyang post (published as it is): “Matagal na kami close neto ni david (marami ako tawag dyan kung ano anong name hahaha) .. napaka neto sa maraming bagay napaka harot generous mabait sensitive sa mga pangangailangan ng mga kasama nya sa industriya lalo na sa mga kaibigan nya.. maiinis to kasi ayaw nyang sinasabi mga naitulong nya.

“Anyways matagal na to may restaurant ako dati sa may abs tapos pumunta sya then kinausap nya ko ipa renovate naten to ms ai nyek sabi ko bago pa naman sabi nya basta ayun kinabukasan may architect and everything na ..”

Dugtong pa niya, “nakakaloka yan sobrang ma surprise pero ayaw nya yang sinasabi secret lang namin parate so ngayun hindi na …”

Sa huli ay nagpahayag si Ai-Ai ng suporta kay Alden sa pamamagitan ng isang mensahe.

“Labyu david God bless you always .. dito lang ako always lalo na pag nasira ang zipper ng jacket mo haha tyatyagain ko yan hanggang tapos na ang show maayos ko yan @aldenrichards02”